Alwyn Uytingco, nagbalik-tanaw kung paano siya naging ‘midwife’ ni Jennica sa kanilang second baby




Mga imahe mula sa Instagram at Facebook account ni Alwyn Uytingco
  • Isang taon na ang 2nd baby nina Alwyn at Jennica
  • Inalala ng aktor kung paano siya nagsilbing midwife ng asawa
  • Inamin din niyang marami pa siyang matututunan bilang isang ama

Sa pagdiriwang ng 1st birthday ng 2nd baby nina Alwyn Uytingco at Jennica Garcia noong Hunyo 25, nagbalik-tanaw ang aktor kung paano siya nagsilbing ‘midwife’ ng asawa.

Sa Instagram account ni Uytingco, binati nito ng maligayang kaarawan ang kanilang baby na si Alexis Severina.

Inamin ng aktor na si Alexis ay ipinanganak ni Jennica sa proseso ng water birth. Ibinahagi rin nito kung bakit hindi niya malilimutan ang araw na iyon kung saan napakalakas ng ulan na inihambing pa niya sa eksena ng pelikula.

Imahe mula sa Instagram account ni Alwyn Uytingco

Kagagaling lamang umano ng mag-asawa sa ospital kung saan nagpa-check-up ang kaniyang maybahay. Pero nang pauwi na sila ay umabot sa 45 minuto ang dating 10 minutong biyahe lamang  dahil sa trapikong dulot ng pag-ulan.

“At sa buong biyahe namin, tuloy-tuloy lang ang contractions ni Jennica. Kaya mas lalong nakakakaba! Kasi puwedeng lumabas yung bata anytime sa gitna ng biyahe namin,” ayon sa post ng aktor.

Sa kabutihang-palad ay walang masamang nangyari habang sila ay nasa biyahe. Sa bahay na inabutan ng panganganak si Jennica kaya laking pasasalamat niya sa Panginoon.

“Pag dating sa bahay, 30 minutes lang at ayan na! Lumabas kaagad si Alessi at ako na kaniyang tatay ang sumalo,” dagdag pa ng aktor. Na-late din umano ng dating ang kanilang komadrona dahil sa trapiko.

Inamin din ng aktor na sa pangyayaring iyon sa kanilang buhay ay alam niyang marami pa siyang matututuhan bilang isang ama.

Imahe mula sa Instagram account ni Alwyn Uytingco

“At doon ko lang din natutuhan na sa unang tingin pa lang, alam ko nang mahal ko kaagad si Alessi, at hindi na mababawasan ‘yon kundi madagdagan pa araw-araw,” nakakaantig na pahayag ni Uytingco.

Ipinaliwanag din ni Alwyn na ang pangalang ‘Alexis’ ay nagmula sa pangalan ng asawa na Alexis Jennica. Habang ang ‘Severina’ ay dahil umano sa alas-siyete na ng gabi ito nailabas sa sinapupunan ng ina.

“And also, seven is God’s number,” pagwawakas ng aktor.

Sina Alwyn at Jennica ay ikinasal noong 2014. Ang kanilang panganay na anak naman na si Mori ay mag-aapat na taong gulang na.