8,000 Grab drivers hindi muna makabibiyahe; pahirapan sa pag-book asahan

Imahe mula sa Pexels at sa Facebook page ng Grab PH

Maraming Pilipino na bumibiyahe araw-araw ang umaasa sa ginhawang naidudulot ng Grab Philippines. Ang 45,000 aktibong Grab drivers ang isa sa mga dahilan kung bakit mabilis at epektibo ang proseso ng pag-book sa Grab.

Gayunman, simula Hunyo 10 ay asahan nang magiging mabagal ang proseso ng pag-book sa Grab dahil mababawasan ang kanilang mga drivers. Asahan na rin ang pagtaas ng pamasahe dahil tinatayang 8,000 active drivers nito ang ide-deactivate ang driver’s account.

Ayon sa paliwanag ni Grab Philippines president Brian Cu, ang mga tatanggalan nila ng account ay ang mga driver na hindi nakapagpasa ng proof of accreditation ng transport network vehicle services (TNVS) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

“This is very painful for us, our drivers, and passengers, but it is Grab’s duty to help the LTFRB enforce our regulations,” pahayag ni Cu.

Imahe mula sa Facebook account ni Brian Cu

Ayon pa sa report ng Inquirer, noong Disyembre 2018 ay nagbigay ang LTFRB ng 20,000 new slots para sa mga drivers kung saan kailangang makumpleto nila ang kanilang mga requirements sa Hunyo 7, 2019.

Samantala, sinabi rin ni Cu na ang pagtanggal ng 8,000 drivers, na may katumbas na 100,000 rides kada araw, ay makapagdudulot ng inconvenience sa mga pasahero.

“At the end of the day, many Filipinos will suffer from this painful step—both the drivers and the passengers. We would want to avoid this from happening, but we are bound to comply with our regulator,” dagdag pa ni Cu.

Masakit din para sa mga drivers ang matanggalan ng Grab account lalo pa’t wala naman silang makukuhang benepisyo o subsidiya mula sa Grab Philippines. Hindi tulad ng ibang kompanya, walang ‘employer-employee relation’ ang Grab sa mga driver-partners nito.

Imahe mula sa Pexels

Ang tanging maitutulong lamang umano ng Grab sa mga driver-partners nito ay ang pag-assist sa kanila sa pag-renew ng kanilang franchise.

Sa kabutihang-palad, sa Hunyo 10 ay muling magbubukas ang LTFRB ng 10,000 TNVS slots. Labingtatlong dokumento ang hinihinging requirements ng LTFRB mula sa mga aspiring Grab drivers na nais kumuha ng prangkisa.

Samantala, inatasan pa rin ng LTFRB ang Grab Philippines na magpaliwanag sa gaganaping hearing kung bakit hindi nakumpleto ng 8,000 driver-partners nito ang hinihingi nilang mga requirements.