Xian Gaza, may payo hinggil sa pagtitipid ng pera




Mga larawan mula sa Facebook account ni Xian Gaza

Ibinahagi ng kontrobersyal na young entrepreneur na si Xian Gaza sa isang Facebook post noong Mayo 15, 2019 ang kanyang payo hinggil sa pagtitipid ng pera.

Ginawa niya ito sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanyang lumang iPhone 6. Inilarawan niya ito bilang yupi na ang gilid, may gasgas na ang screen, at medyo palyado na ang iba pang functions tulad ng audio, graphics, at mic.

“Ito yung phone ko, iPhone 6 na napaglipasan na ng panahon. Yupi na yung gilid nito kasi naupuan. May mga white dimples na rin yung screen nito kasi nababagsak ko minsan. Madalas eh hindi na sumasabay yung audio sa video. Nagca-crash na rin paminsan ang graphics kapag nanonood ako ng video sa Facebook. Yung mic nito eh hindi na rin nagana kapag active yung front camera.”

Larawan mula sa Facebook account ni Xian Gaza

Subalit kahit may pambili umano siya ng higit 30 piraso ng iPhone XS Max, hindi pa rin niya ito pinapalitan. Natuto na raw siya. Sa halip na gumastos, kailangang umisip ng maraming paraan kung paano mapalalago ang pera. Iwasan daw ang “bili rito, bili roon at “travel dito, travel doon” upang hindi mawalan ng pera sa mahigpit na pangangailangan.

“Pero bakit hindi ko pa rin pinapalitan? May pera naman na ako ngayon at kayang bumili ng higit trentang iPhone XS Max. Bakit? Kasi natuto na ‘ko. Dapat pala once kumita ka nang maganda, imbis mangati kang gastusin at waldasin ito sa mga bagay na mabubuhay ka naman nang maayos kahit wala, eh unahin mo munang gastusan yung mga bagay na mas magpapalago pa sa kanya.”

Dagdag pa niya, “Hindi yung bili dito bili doon, gastos dito gastos doon, travel dito travel doon, tapos kapag naubos na eh nganga. Back to purita mode na naman.”

Sa huli, “long term thinking” dapat ang pinaiiral. Paalala niya, hangga’t nagagamit pa ang isang bagay, huwag munang palitan.

“Long term thinking pala dapat. Income streams muna ang unahin bago “lumifestyle”. Hangga’t pwede pa at nagagamit mo pa ang isang bagay eh huwag mo munang palitan. Aanhin mo ang bagong smart phone kung poproblemahin mo naman ang kakainin mo sa mga susunod na buwan?”

Naging kontrobersyal si Xian Gaza dahil sa pagpapagawa niya ng billboard para ayaing makipag–date ang aktres na si Erich Gonzales, gayundin ang kanyang mga kinasangkutang “investment scams”.

Larawan mula sa Facebook account ni Xian Gaza