Cold Manila: Graphic artist, ginawang winter ang mga larawan ng Maynila




Larawan mula sa Facebook account ni Kurt Ian Ferrer

Iba’t ibang gimik na ang ginagawa ng mga Pilipino para mapawi ang init na nararamdaman ngayon summer—nariyan ang kaliwa’t kanang swimming at outing, pagkain ng iba’t ibang pampalamig, at paggamit ng mga appliances tulad ng electric fan at aircon.

Ngunit iba ang naisip ng isang graphic artist mula sa Parañaque upang kahit papaano ay maging malamig ang Maynila sa gitna ng tila naglalagablab na summer.

Ginawang winter ni Kurt Ian Ferrer ang larawan ng Maynila sa pamamagitan ng kaniyang editing skills na agad namang pumukaw sa atensiyon ng mga netizen.

Larawan mula sa Facebook account ni Kurt Ian Ferrer

Ayon sa Facebook post ni Ferrer, sinubukan lang daw niya kung anong magiging hitsura ng Kamaynilaan kung sakaling makararanas tayo ng winter sa bansa.

“I tested how would it took like if Philippines could sometimes experience winter,” sabi ni Ferrer sa kanyang ‘cool’ post.

Makikita sa dalawang larawan ang mga sasakyan sa ilalim ng isang Light Rail Transit (LRT) station na binabagtas ang mga lansangan na puno ng nyebe; gayundin ang ilang sari-sari store sa ilalim ng puno na nababalot din ng nyebe ang mga dahon at sanga.

Binigyan pa ng ‘twist’ ni Ferrer ang edited photo sa pamamagitan ng paglalagay ng isang taho vendor na perfect daw para sa malamig na panahon.

“I do think it’s good practice to take real world stuff and put a twist on them, mmmm… hot taho,” dagdag pa ni Ferrer sa kanyang viral post na mayroon nang halos 4,400 reactions at shares sa kasalukuyan.

Natuwa naman ang mga netizen sa edited photo na ito ni Ferrer at tila naka-relate sa kagustuhan niyang magka-winter naman sa Pilipinas dahil init na init na ang marami sa kanila.

“OMG I love this concept! This is great!” pahayag ng isang netizen.

Larawan mula sa Facebook account ni Kurt Ian Ferrer

Biro naman ng isang Facebook friend ni Ferrer, nakalimutan daw ng graphic artist ang paglalagay ng mga basura sa gilid na tila naging ‘trademark’ na ng mga abalang lansangan ng Maynila.

Sinagot naman ito ni Ferrer at nagbiro din na nasa ilalim daw ng snow ang mga basura.

Kinuha umano ni Ferrer ang mga orihinal na larawan mula sa Google maps.