Waiver na humihingi ng permiso para “makatoma” kasama ang barkada, kinaaliwan




Larawan mula sa official Facebook page ng Red Horse Beer/Google Image Public Domain

Kinaaaliwan ngayon sa social media ang isang “waiver” na humihingi ng permiso para “makatoma” o makipag–inuman sa mga barkada, na kailangang may consent o pagsang–ayon mula sa asawa, kasintahan, o partner.

Makikita sa official Facebook page ng “Red Horse Beer” ang naturang waiver na binubuo ng tatlong talata at may kalakip pang “reply slip” o katibayan ng pagtugon sa ibaba, na maaaring gupitin bilang katibayan. Ang tunay na “astig” daw ay nagpapaalam sa kanyang mga mahal sa buhay bago sumabak sa inuman.

“Ang astig nagpapaalam bago uminom. Sagutan mo na at papirmahan sa kinauukulan. Tama ba, mga repa???”

Nakalagay sa nilalaman ng waiver ang mga sumusunod:

“Dear asawa/kasintahan/partner, Magandang araw po! Nais po naming ipaalam na ang aming tropa ay magkakaroon ng inuman session sa darating na (petsa ng inuman session), sa ganap na (oras na magsisimula ang inuman session) hanggang (oras na matatapos ang inuman session). Ang nasabing kasiyahan ay mangyayari sa (lugar kung saan magaganap ang inuman session).

Dagdag pa nito: “Kung sakaling mawalan ng load/battery ang inyong asawa/kasintahan/partner habang nangyayari ang aming activity, i–text ang number na ito (number ng kung sinumang nag–aya ng inuman o kabarkada). Lubos na gumagalang, Repa.”

Larawan mula sa official Facebook page ng Red Horse Beer

Sa ibaba ng waiver ay may reply slip upang malaman kung pinapayagan ba o hindi ang asawa/kasintahan/partner.

Nagdulot naman ito ng katatawanan sa social media.

“Hahaha. Sumakit ang tiyan at ulo ko sa katatawa. Somehow tama naman ito, para hindi naghahanap at nag–aalala ang mga loved ones natin kapag nakikipag–inuman tayo.”

“Kulang pa po ng listahan kung sino-sino mga kasama.. pakilagyan na rin po ng pangalan, birthday, address, contact number, male/female, trabaho, relationship… mahirap na… alam naman natin kapag may alak, may balak hahaha.”

“Hello po, meron kayong pang–single? Magpapaalam lang ako kay crush hahaha char.”

Larawan mula sa official Facebook page ng Red Horse Beer

Umabot na sa halos 35, 000 likes at 76, 000 shares ang naturang Facebook post.