Viral grad pic ng magkakapatid, nagsilbing inspirasyon sa mga netizens

Imahe mula kay Ghel Martinez | Facebook

Ang pag-aaral ay hindi lang basta nakukuha; ito rin ay pinaghihirapan.

Viral ngayon sa social media ang graduation picture ng tatlong magkakapatid dahil sa inspirasyon at mga aral na ipinahihiwatig nito sa mga netizens.

Sa post ni Ghel Martinez sa Facebook, makikita ang kaniyang mga kapatid na nakasuot ng toga at hawak ang pangalan ng mga kursong kanilang tinapos. Si Ghel naman ay isinulat sa papel ang kaniyang naging ambag sa tinamong tagumpay ng kaniyang mga kapatid.

“Hindi nakatapos pero nakapagpatapos,” ito ang mga salitang nakasulat sa papel na hawak ni Ghel sa litrato.

Tila nag-flashback sa kaniya ang mga naging karanasan para marating ang puntong ito ng kanilang buhay; ang makita ang mga kapatid na magtapos sa pag-aaral.

Imahe mula kay Ghel Martinez | Facebook

Kuwento niya, hindi sila ipinanganak at lumaki sa mayamang pamilya. Bata pa lang ay natuto na siyang dumiskarte upang madagdagan ang munti niyang baon sa eskuwela.

Nang makapagtapos siya ng sekondarya ay pinangarap niyang maging isang pulis o kaya naman ay maging isang sundalo. Subalit ang pangarap niyang ito ay kinailangan munang maisantibi upang unahin muna ang kaniyang mga kapatid.

Bilang isang ring miyembro ng LGBT ay hindi naging madali kay Ghel ang lahat. Nalagpasan niya ang mga mapanghusgang mata at tinuon ang pansin sa pagbibigay ng magandang kinabukasan ng kaniyang pamilya.

Imahe mula kay Ghel Martinez | Facebook

Hindi naman siya binigo ng kaniyang mga kapatid. Masipag mag-aral ang mga ito at ang isa pa nga ay nag-uwi ng medalya sa kolehiyo.

Ipinagmamalaki ni Ghel ang mga kapatid lalo na ang pagiging cum laude ng isa sa mga ito.

“Napakaswerte ko sa mga kapatid ko at hinding hindi ko pinagsisisihan na kayo yung pinili kong prioridad ko,” sabi ni Ghel sa kaniyang post.

“Wala man akong diploma basta kayo meron, solve na ako, dahil kayo ang kayamanan namin nila inay at tatay kayo ang maipagyayabang ko,” dagdag pa niya.

Sa huli, pinaalalahanan ni Ghel ang mga kabataang nabigyan ng pagkakataon na makapag-aral. Payo niya, pagbutihin ang pag-aaral at huwag sayangin ang sakripisyo ng mga taong tumutulong sa kanila na abutin ang kanilang pangarap.

Sa kasalukuyan ay may 24,000 likes at 6,800 shares na ang post na ito ni Ghel sa Facebook.

Source :

Facebook