Uutang ka pa ba? Nakapaskil na listahan ng mga may utang sa isang tindahan, kinaaliwan

Mga larawan mula sa Facebook page na Game N Trend/Google Image Public Domain

Ang pag–utang ay tila bahagi na ng kagawiang Pilipino.

Aminin man o sa hindi, halos lahat sighuro ng mga tao ay naranasan ito. Ito ay akto ng panghihiram ng pera o salapi mula sa ibang tao, organisasyon, o kumpanyang nagsasagawa nito na kinakailangang bayaran sa itinakda at napagkasunduang panahon; maaaring may interes o wala.

Kaya naman, kinaaliwan sa Facebook page na “Game N Trend” ang isang larawan na nagpapakita ng isang tindahan na may nakasabit o paskil na maliit na whiteboard sa harapan nito.

Nakalista sa whiteboard ang mga pangalan ng mga “kumuha” o umutang sa naturang tindahan, kaakibat ang halaga ng kanilang utang. May pamagat pa itong “May mga UTANG 2019”.

Ang mga pangalan ng mga sinasabing may “utang” ay sina Lemuel, Mac–Mac, Derrelyn, Munik, Emong, at Song–Song. Hindi naman natukoy kung saang barangay o lugar matatagpuan ang naturang tindahan.

Ayon nga sa caption ng naturang Facebook post: “Nakakahiya umutang dito”.

Larawan mula sa Facebook page na Game N Trend

Nagdulot naman ito ng katuwaan sa mga netizens na naka–”relate much” dito.

“Bakit kaya naaawa ako, sure ako utang niyan kung hindi noodles, de–lata, pakain sa pamilya. Na–experience na namin iyan dati, mangutang sa tindahan.”

“Yung iba kasi kapag maliit ang utang, kinakalimutan na, hindi nila alam papiso–piso lang tubo sa maliit na halaga, malaki mawawala. Kawawa rin may tindahan. Just saying.”

“Tradition na ng mga Pilipino ang mangutang, kaya importante din ang Math subject sa bawat Pilipino, para matuto tayong magbudget.”

“Hahaha, grabe, parang hindi mo kakayaning dumaan diyan sa tindahan na iyan kung nakapaskil ang pangalan mo, para kang wanted hahahaha.”

Samantala, isang nagtitinda naman ang nagpahayag ng kanyang karanasan hinggil sa naturang “utang”.

“Kaya naglagay din ako ng karatula sa labas ng tindahan ko, WALANG UTANG NAHIHIYA KAMI MANINGIL.”

“Ang mga tao sa akin pumupunta kapag uutang, kapag bibili sa kabilang tindahan. Sobra kasi akong mabait kaya sinasamantala nila.”

Sabi nga sa isa sa mga memes na matatagpuan sa official Facebook page ni senatorial candidate Doc Willie Ong, “Ang UTANG ay UTANG. Ang HIRAM ay HIRAM. Ang BIGAY ay BIGAY”.

Paliwanag dito, kapag umutang ka, dapat marunong kang magbayad. Kapag nanghiram ka, marunong kang magsauli. At kapag may natanggap kang biyaya, matuto kang magpasalamat.

Larawan mula sa official Facebook page ni Doc Willie Ong