Updated sa uso: ‘Dalagang Pilipina’ challenge ng lolo’t lola, pinatawa at pinakilig ang netizens




Larawan mula sa Facebook account ni Ian Mallari

Maya’t maya ang pagsulpot ng iba’t ibang dance challenges sa bansa, at ang pinakabago ay ang ‘Dalagang Pilipina’ challenge na ginagawa ng mga Pilipino — mapa-ordinaryong indibidwal man o celebrity.

Well, hindi nagpahuli ang matandang mag-asawa sa pagkasa sa ‘Dalagang Pilipina’ challenge, at pinatunayang hindi lamang mga millennials ang kayang maging trending sa social media.

Larawan mula sa Facebook account ni Ian Mallari

Umabot na sa mahigit 3.2 million views ang bersiyon ng lolo at lola ng netizen na si Ian Mallari ng ‘Dalagang Pilipina’ na kinatuwaan at kinakiligan ng mga social media user.

Ayon kay Mallari na nag-upload ng video ng kanyang lolo at lola sa kanyang Facebook account, kahit may edad na, hindi naman daw pahuhuli sa uso ang dalawang matanda.

“Magpapahuli ba ang lola’t lolo namin? Syempre hindi!!!” sabi ni Mallari sa kanyang post na umani na ng halos 68,000 reactions at mahigit 92,000 shares.

Makikita sa bidyo ang pag-arte nina lolo at lola katulad ng mga mas mabatang kumasa sa ‘Dalagang Pilipina’ challenge, kasabay ang paghawi ng buhok, pagkindat, at paminsang paglabas ng dila.

Kapansin-pansin din sa video ang sweetness ng dalawang matanda na animo’y bagong magkasintahan pa lamang kung magpalitan ng ngiti at magharutan.

Kaya naman maliban sa mga ngiting naihatid ng mag-asawa, nagbigay din sila ng kilig at pag-asa sa mga netizen na mayroong forever.

“Sweet naman ni lolo at lola… happy couple…” sabi ng isang netizen.

Hindi inaasahan ng kanilang pamilya na ang simpleng katuwaan ay kakalat sa social media at magpapangiti ng milyon-milyong social media users.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Naitampok na rin sa ilang newscast sa telebisyon ang video nina lolo at lola, at sa pinakabagong post ni Mallari sa kanyang Facebook account, tuwang-tuwa ang dalawa na mapanood ang kanilang mga sarili sa telebisyon.

Nagpapasalamat din si Mallari at ang kanyang pamilya dahil sa magandang pagtanggap ng netizens sa certified good vibes na video ng kanyang lolo at lola.