Tunay na sakripisyo! Netizen, pinuri ang paglilingkod sa halalan ng mga guro sa Aklan

Mga larawan mula sa Facebook account ni Apple Oquendo

Isa sa mga itinuturing na pinakadakilang propesyon sa mundo ang pagiging guro. Sila ang nagsisilbing mga ikalawang magulang sa ikalawang tahanan ng mga mag–aaral—ang mga paaralan.

Sila ang mga “panday” na humuhubog sa pagkatao ng “kabataang pag–asa ng bayan” na magiging susunod na pinuno sa mga susunod na henerasyon.

Bukod sa pagtuturo, tunay na malawak ang sakop ng pagiging guro. Sila rin ang inaasahang mamahala sa isa sa mga patunay ng demokrasya—ang halalan. Mahirap man ang kanilang katayuan sa tuwing sasapit ito dahil sa mga banta ng seguridad, init, at bigat ng naiatang na tungkulin, ginagampanan pa rin nila ang kanilang panata sa bayan nang may ngiti sa mga labi.

Isang netizen na nagngangalang “Apple Oquendo” ang nagbigay ng kanyang paghanga at papuri sa mga gurong nagsakripisyo para sa pamamahala sa naganap na halalan, batay sa kanyang Facebook post noong Mayo 14, 2019.

Partikular ang kanyang pagsaludo sa mga guro sa Taroytoy Elementary School sa Distrito ng Libacao sa Aklan dahil literal nilang binitbit ang naglalakihang mga kagamitan na kinakailangan sa halalan at itinawid ang mga ito sa rumaragasang ilog.

“Real time heroes of Halalan 2019. Actual scenario in Taroytoy ES, District of Libacao, Division of Aklan, Region VI-Western Visayas. Travel time: Saturday 9AM-5PM with Police Assistance.”

Mga larawan mula sa Facebook account ni Apple Oquendo

Nanawagan din siya kay Department of Education Undersecretary Alain Pascua na sana’y madagdagan ang travel allowance ng mga naturang guro upang mas maging madali ang pagtungo sa paaralan kung saan idinaraos ang halalan.

Ayon sa pagbabahagi ng isa pang concerned netizen, isa sa mga “pinakamahirap” na presinto sa Aklan ang matatagpuan sa Taroytoy Elementary School, at kinakailangan pang tumawid sa mapanganib na ilog upang makarating dito ang mga guro, lalo na tuwing may pasok.

Masasabing mahirap ang sitwasyon at kalbaryong kinakaharap ng mga guro sa lugar na ito.

Mga larawan mula sa Facebook account ni Apple Oquendo

Bumaha naman ang reaksyon at simpatya rito ng mga humahangang netizen.

“Salute to these teachers and volunteers, sana mas mataas honorarium at allowance nila compared sa mga naka–assign sa sementado at malapit sa kabihasnan. Lubos akong humahanga sa inyo kapwa–guro.”

“Unsung heroes… I hope their hard work and sacrifice be recognized aside from monetary remuneration. Heads up to these amazing people!”

Mga larawan mula sa Facebook account ni Apple Oquendo

Mabuhay ang mga gurong Pilipino!