Tribal leader na nagwaging mayor sa Palawan, simbolo na may pag-asa ang politika sa Pilipinas




Imahen mula sa Facebook

Inspirasyon para sa mga katutubong pangkat sa Pilipinas ang pagkakapanalo ng isang tribal leader ng mga katutubong Palaw’an sa Rizal, Palawan.

Ayon sa report ng Inquirer, ang 77-taong gulang na si Otol Odi ang iprinoklama bilang bagong mayor sa Rizal, Palawan matapos makakuha ng 8,575 boto, habang ang kaniyang pinakamalapit na katunggali na si Cesar Magsaysay ay nakakuha ng 4,814 boto.

Si Tatay Odi ay isinilang at lumaki sa bayan ng Rizal. Bagama’t hindi nakapag-aral sa high school, edukasyon ang pangunahin niyang isinusulong. Naniniwala siya na ang edukasyon ang makatutulong sa kaniyang mga kapuwa katutubo upang umunlad ang kanilang kabuhayan.

Screenshot mula sa website ng Rizal, Palawan LGU

“Ito lang ang aming paraan upang umunlad ang aming buhay, ang edukasyon,” isa sa mga pahayag ng bagong mayor.

Hindi tulad umano sa kaniyang mga katunggali na gumastos sa kampanya, si Tatay Odi ay umasa lamang sa suporta ng iba pang tribal leaders sa kanilang bayan. Sinuportahan din siya ng mga katutubong Palaw’an at Tau’t Bato sa kaniyang kampanya.

Ayon sa Palawan News, si Tatay Odi ay mayroon na ring 20-taong karanasan sa pagiging kapitan ng Barangay Punta Baja. Hindi pa umano ito natatalo sa tuwing tatakbo bilang kapitan o kagawad ng kanilang barangay dahil napangalagaan nito ang kaniyang malinis na pangalan.

“Kung walang lalaban, paano na ang aming bayan? Hindi ko kayang tingnan na dayuhan ang mamumuno sa amin at ang mga katutubo ay walang nagagawa habang ang kanilang lupa ay nakukuha na ng ibang tao at malalaking negosyante,” paninindigan ni Tatay Odi.

Imahe mula sa Wikipedia/ Mike Gonzalez

Si Tatay Odi ay simbolo na may pag-asa ang politika sa Pilipinas. Papalitan niya sa puwesto ang incumbent municipal mayor na si Norman Ong.

Ang Bayan ng Rizal sa Palawan ay may 11 barangay. Ayon sa Census 2015, ang populasyon nito ay umaabot sa 50,096 katao.

Kilala ang bayan sa mga katutubong Tau’t Bato na naninirahan sa mga kuweba.