Tie breaker: Araceli, Palawan, nagkaroon ng bagong Mayor sa pamamagitan ng isang ‘toss coin’

Larawan mula sa Facebook account nina Sue Cudilla at Noel Beronio

Naging kasing init ng summer ang labanan ng dalawang mayoral candidate sa Araceli, Palawan nang magtabla ang nakuha nilang boto sa katatapos lamang na midterm election.

Dahil pantay ang botong naitala ng election officers, isang best of three toss coin ang nagpasya kung sino sa dating mayor na si Sue Cudilla at re-electionist na si Noel Beronio ang magiging bagong alkalde ng kanilang bayan.

Sa pangunguna ng election officer na si Emil Alili, ginawa ang tie breaker toss coin gamit ang pisong barya na siyang dinaluhan ng mga representative at poll watches ng magkabilang Partido.

Larawan mula sa Facebook account ni Sue Cudilla

Hindi nakadalo si Beronio kaya naman ang kapatid niya ang nagsilbi niyang representative at kinailangang pumirma ng waiver bago isagawa ang toss coin.

Sa huli, napagwagian ng dating alkalde na si Cudilla ang toss coin at muling uupo bilang lider ng Araceli.

Nakakuha sina Cudilla at Beronio ng tig-3,495 na boto sa 7,238 balota mula sa nakaraang May 13 elections.

Ayon sa Section 240 ng Omnibus Election Code, kung sakaling magkakaroon ng tabla sa pagitan ng dalawang kandidato, pinahihintulutan nito ang mga election officers na magsagawa ng draw lots upang malaman kung sino ang uupo sa puwesto.

Gayunman, matapos maiproklama ang nanalo sa pamamagitan ng draw lots, maaari pa rin namang magsampa ng reklamo ang natalong kandidato.

Mayo 16 ng gabi nang matapos ang bilangan sa Araceli at ginanap ang toss coin kinabukasan ng hapon.

Larawan mula sa Facebook account ni Noel Beronio

Hindi ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng eleksyon sa bansa na toss coin ang naging batayan upang magkaroon ng elected official ang isang lalawigan.

Noong 2016 elections, isang best of five toss coin naman ang isinagawa upang maiproklama ang mayor ng Bocaue, Bulacan.

Napagwagian ito ni Joni Villanueva laban kay Jim Valerio na parehong nagtala ng tig-16, 694 na boto.