Sulyap sa nakaraan: Alaala ng mga gagambang “pinaglalaban–laban”, kinaaliwan

Larawan mula sa Facebook page na Cebu Channel Online

Isa sa mga nakahiligang laro ng kabataang Pinoy noon ang paglalaban–laban ng mga gagamba.

Noong hindi pa nauuso ang mga mobile games na may temang labanan o giyera, ang mga gagamba muna, o iba pang mga insekto ang unang sumabak dito.

Kaya naman, kinaaliwan sa Facebook page na “Cebu Channel Online” na ibinahagi naman ng netizen na si “Jesselle Banzuela Barnedo”, ang mga larawan ng mga gagambang nakalagay sa mga espesyal na sisidlan na pinaglalaban–laban noon sa pamamagitan ng patpat o tingting.

Aniya, noong wala pang cellphone, ang kanyang pinagkakaabalahan ay ang paghahanap ng gagamba.

Larawan mula sa Facebook page na Cebu Channel Online

Nagbigay naman ng reaksyon dito ang mga netizens. May ilang mga nagbahagi ng kanilang karanasan sa paglalaro nito noong kanilang kabataan.

“Gagambang kulay itim na may tuldok na puti ang pangmalakasan. Gutumin mo ng ilang araw para matapang na ipanglaban.”

“Naalala ko noong naglalaban kami niyan ng kaibigan ko, ang ganda ng laban, na–corner na yung sa kanya, malapit na masaputan, maya–maya nagulat kami nang tinuka yung gagamba ng manok.”

“True! Naghahanap pa kami sa mga talahiban 2:00 nang umaga, may dala pa kaming flash light haha. Kakamiss.”

“Naaalala ko nanghuhuli ako niyan tapos binebenta ko rin. Daming palo ang inabot ko sa nanay ko dati dahil diyan.”

Larawan mula sa Facebook page na Cebu Channel Online

Ang gagamba ay kilala rin sa iba pang katawagan na anlalawa, alalawa, lalawa, o lawalawa.

Isang uri ito ng arthropod na nanghuhuli ng kanyang pagkain tulad ng kulisap sa pamamagitan ng sapot. Walo ang mga paa nito. Batay sa anatomiya, kakaiba ang mga gagamba kung ihahambing sa ibang mga arthropod sa kadahilanang ang karaniwang bahagi ng katawan nito ay nagsama sa dalawang “tagmata”, ang “cephalothorax” at ang tiyan, at sinamahan ng isang maliit, hugis–silindro na “pedicel”.

Larawan mula sa Facebook page na Cebu Channel Online

Kaugnay nito, kinatuwaan din ang ibinahaging larawan ng isa sa mga netizen sa comment section nito. Makikita sa larawan ang panggagaya ng mga tao sa mga gagambang nasa espesyal na sisidlan tulad ng bahay o kahon ng posporo.

Larawan mula sa Facebook page na Cebu Channel Online

Kay sayang balikan ang mga alaala ng nakaraan!