Sulyap sa nakalipas: Pag-akyat sa puno at paglalaro sa labas ng bahay




Larawan mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Hindi maitatatwang marami na ngang pagbabago sa ating lipunan ngayon, lalo na ang dulot ng teknolohiya. Nagsulputan ang iba’t ibang mga gagdgets tulad ng smartphone, iPads, tablets, phablets, laptops, at marami pang iba na nagbibigay–kasiyahan sa marami, lalo na sa aspeto ng online games.

Madalas nakukumpara ng mga “Generation X” at ‘Millennials” ang paraan ng paglalaro at paglilibang ngayon ng mga “Generation Z”. Kaya naman, muling sumulyap sa nakalipas ang mga netizen sa mga panahong ang mga paraan ng paglilibang ay pag–akyat sa mga puno at paglalaro sa labas.

Ayon sa Facebook post ng netizen na si Boyet Gaspar sa “Memories of Old Manila”, ang malawak at malinis na kapaligiran ang naging palaruan ng kabataan noon.

“Noong panahon na hindi pa uso ang mga gadget at internet, sagana pa tayo sa malinis at maluwag na kapaligiran na ating paglalaruan.”

Larawan mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Nagbigay naman ng komento rito ang mga netizen.

“Memorable ang mga alaala ng kabataan natin noon kaysa ngayon… super saya lang!”

“Yung kabarkada ko noon, kapag umaakyat ng puno at kapag nalaglag, sabay bangon, hila ng shorts at higop ng sipon pabalik sa ilong tapos akyat ulit.. nakakamiss…”

“Correct, masyadong naimpluwensyahan ng teknolohiya ang kabataan ngayon.”

“I just love the kids up in the trees… nostalgic. Ang saya–saya lang! Nakakamiss bumalik sa pagkabata dahil hindi pa masyadong komplikado ang buhay.”

Larawan mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Karaniwan ang pag–akyat sa mga puno ng kabataan noon. Walang takot silang nangungunyapit sa malalabay na sanga. Hindi nila alintana ang mayamungmong na mga dahon na dumirikit sa kanilang mga balat.

Kahit humahalik ang mga labi ng araw sa kanilang mga bumbunan, malamig at sariwa naman ang simoy ng hangin na bumubulong–bulong sa kanilang mga tainga, at pumapawi sa alinsangang nagpapapawis sa katawan.

Nauso rin noon ang pagtatampisaw sa mga sapa, ilog at tabing–dagat; ang paghahabulan sa mga pilapil sa bukid, ang paghabol sa mga biik, bibe, manok, at iba pang hayop, ang paglulunoy sa putikan, ang panonood sa paglubog ni Haring Araw sa kanlungan.

Talagang kaysarap balikan ng nakalipas!