Star Cinema, hahanapin ang susunod na Darna sa pamamagitan ng ‘Star Hunt’




Larawan mula sa Instagram account ng Star Cinema at Star Hunt

Matapos talikuran nina Angel Locsin at Liza Soberano ang mahiwagang puting bato, patuloy pa ring hinahanap ng ABS-CBN film outfit na Star Cinema ang susunod na gaganap bilang iconic Filipina superhero na si Darna.

Kaugnay nito, binuksan na ng Kapamilya network ang oportunidad sa mga nagnanais gumanap bilang Darna sa mga kababaihan na hindi talent ng ABS-CBN sa pamamagitan ng audition caravan nilang ‘Star Hunt.’

Larawan mula sa Instagram account ng Star Cinema

Ayon sa head ng Star Cinema na si Olivia Lamasan, bubuksan nila ang auditions kahit hindi talento ng Star Magic, ang talent agency firm ng ABS-CBN, dahil maaaring isang talentong hindi pa nabibigyan ng break ang makapagbigay ng buhay sa role na Darna.

Isang malaking proyekto ng Star Cinema at ng TV entertainment section ng ABS-CBN ang paglulunsad ng auditions sa ‘Star Hunt’ kung saan din kumukuha ang Kapamilya network ng contestants sa kanilang mga reality show tulad ng ‘Pinoy Big Brother’ at ‘Tawag ng Tanghalan.’

Naglabas ng isang anunsiyo ang Star Cinema sa kanilang Instagram account tungkol sa mga kwalipikasyon ng susunod na Darna na hinahanap nila: 20 hanggang 26 anyos, at least 5’5” ang tangkad, may karanasan sa pag-arte, mahusay sa wikang Filipino, at physically fit.

Gayunman, nakapagsagawa na raw ang Star Cinema ng auditions para sa Star Magic talents at ilang hopefuls mula sa ibang talent scouts, modeling agencies, at former beauty pageant contestants.

Nakakuha naman daw ng shortlist ang direktor na si Jerrold Tarog mula sa mga nag-audition ngunit magdaragdag sila mula sa makukuha sa ‘Star Hunt’ auditions.

Larawan mula sa Instagram account ng Star Cinema

Malaking oportunidad ito para sa ibang talento na gusto ng mga fans na gumanap na Darna ngunit hindi talent ng Star Magic.

Maugong ang pangalan nina Nadine Lustre na isang VIVA artist, Sanya Lopez na talent naman ng GMA Network, at ni Maine Mendoza na hawak naman ng APT Entertainment.

Gaganapin ang unang leg ng Star Hunt: Darna sa May 4 at 5 sa ABS-CBN compound.