Skill 9999: Kotse nakaparada sa ibabaw ng kanal




Imahe ni James Deakin via Facebook

Viral ngayon sa Facebook ang ipinost na larawan ni James Deakin — isang kotse na nakaparada sa ibabaw ng kanal!

Maraming netizens ang nag-react dahil ang kotse ay Mazda brand ngunit walang maayos na parking. Base sa mismong website ng Mazda, ang pinakamurang modelo nito ay nagkakahalaga ng P850,000.

Upang pagandahin ang parking nito sa ibabaw ng kanal, tinayuan ito ng bubong upang pananggalang sa matinding sikat ng araw at malakas na ulan.

Imahe ni James Deakin via Facebook

Makikita sa ilalim ng kotse ang malapad at mahabang kanal. Makitid ang espasyo sa magkabilang gilid nito na ginagamit na daanan ng kotseng naka-park.

Isang maling pihit lamang ay maaaring mahulog ang kotse sa nasabing kanal.

Umani ng samu’t saring komento ang larawan. May nagsabi na ayos lamang ang parking nito dahil hindi naman nakakaabala sa kalsada.

Mayroong nagtataka kung paano nakakasakay at nakakababa sa kotse ang driver at mga pasahero nito gayong makitid ang daanan sa ibabaw ng kanal.

May nagbiro na kapag umapaw ang kanal ay libre na ang carwash at underchassis ng kotse.

Marami rin ang pumuri sa parking skills ng nagmamaneho ng sasakyan.

Walang ibinigay na detalye kung ang kotse bang naka-park ay sa Pilipinas o sa ibang bansa.

Isa sa mga kinakaharap na problema ng bansa ang mga sasakyang naka-park sa gilid ng kalsada.

Imahe ni Mozhar via Wikimedia Commons

Noong 2018 ay ipinanukala ng mga senador ang Proof of Parking Space Act kung saan pagbabawalang bumili ng sasakyan ang mga motoristang walang sariling parking sa bahay. Metro Manila lamang ang sakop nito.

Sa ilalim ng panukala, dapat ay maghain ng affidavit ang mga bibili ng sasakyan bilang pruweba na may parking sila sa bahay. Maaari ring isumbong ng mga ordinaryong mamamayan sa mga awtoridad ang sinumang lumabag dito. Ang mapatutunayang lumabag ay papatawan ng 50,000 pesos na multa.

Ngunit ayon kay Atty. Claire Castro, hindi ito ang solusyon sa matagal nang problema ng parking sa bansa. Sa kaniyang panayam sa DZMM, ipinaliwanag niya na kailangang ayusin ang sistema ng transportasyon upang mahikayat ang mga motorista na mag-commute at hindi na bumili ng sariling sasakyan.