Plastik para sa future: SK sa Laguna, namimigay ng school supplies kapalit ng mga boteng plastic

Larawan mula sa Facebook page ng SK Banilad

Isang makabuluhang proyekto ang pinasimulan ng Sangguniang Kabataan (SK) Barangay Banilad ng Nagcarlan sa Laguna kung saan papalitan nila ng school supplies ang mga boteng plastik na dadalhin sa kanilang tanggapan ng mga kabataan sa kanilang lugar.

Sa Facebook post ng SK ng Barangay Banilad, makikita ang isang maliit na stall na tinawag nilang ‘Palit-Plastic Bottle Sari-sari Store,’ na handang magbigay ng school supplies bilang kapalit ng mga 1.5 at 1.75 plastic bottles ng soft drink.

Larawan mula sa Facebook page ng SK Banilad

“Proyektong pang-edukasyon at pangkalikasan! Kapalit ng plastic bottle n’yo ay mga school supplies para sa nalalapit na pasukan,” ayon sa post ng Facebook page ng SK.

May katumbas na school supply ang bawat bote na ibibigay ng mga mag-aaral: ang dalawang plastic bottles ay katumbas ng isang notebook o isang lapis, ang isang plastic bottle naman ay papalitan ng isang pantasa, at ang apat na bote ay isang kahon ng waluhang krayola ang katumbas.

Marami ang natuwa sa paandar na ito ng SK ng Barangay Banilad at agad na naging viral sa social media na sa kasalukuyan ay mayroon nang mahigit sa 8,500 reactions at 16,000 na shares.

Ayon sa mga netizens, nakabibilib ang naisip na ito ng SK ng Banilad dahil maliban sa makatutulong ito sa pagpapanatili ng kalinisan sa kanilang lugar, makatutulong din ito sa gastusin ng mga magulang para sa gamit pang-eskwela ng kanilang mga anak.

“Iyan ang SK. Hindi sa palaro at paliga lang nakikilala… Saludo ako sa naka-isip nyan! More power and God bless po,” sabi ng isang netizen.

Nagpasalamat naman ang SK Banilad sa magagandang feedback na nakukuha nila sa kanilang munting proyekto at hindi nila inakalang marami ang matutuwa rito.

Larawan mula sa Facebook page ng SK Banilad

“Maraming salamat po sa appreciation n’yo,” maikli ngunit makabuluhang pahayag ng Facebook page.

Bukas din ang pamunuan ng SK ng Barangay Banilad sa mga donasyong school supplies upang mas maraming mga bata ang maabot ng kanilang trending na proyekto.

Maliban sa kanilang palit-bote project, una nang inilunsad ng SK ng Barangay Banilad ang mga poster nila na naghihikayat ng pagtatanim gamit ang hugot lines.