Sino nga ba ang Pinoy na imbentor na ginawang gasolina ang mga plastik na basura?




Mga larawan mula sa Google Image Public Domain

Paano nga ba masosolusyunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina gayundin ang suliranin sa basura?

Isang Pilipinong imbentor na nagngangalang Jaime Navarro mula sa Bacolod ang nakaimbento ng paggawa ng gasolina gamit ang mga plastik na basura, noong 2012.

Mga larawan mula sa Google Image Public Domain

Gamit ang makaagham na proseso na “Pyrolysis”, ang mga plastik na basura ay kinakailangang patuyuin, pagpira–pirasuhin nang maliliit at paiinitan sa loob ng thermal chamber.

Sa loob ng naturang chamber ay may napakababang oxygen upang matunaw nang tuluyan ang mga plastik at hindi masunog. Ang mga natunaw na plastik ay maglalabas ng singaw na lalagos sa mga cooling pipes upang maging distilled liquid ito.

Ang distilled liquid na ito ay kahalintulad ng isang regular fuel, subalit mas mababa ang nilalamang sulfur. Mas mababa ang production costs nito kaysa sa production ng isang regular na gasolina. Bukod sa mas mura pa umano ang production cost, napatunayang mas environment-friendly ang proseso ng paglikha nito.

Si Navarro ay nagtatrabaho sa Poly-green Technology and Resources, Inc., na makikita sa Payatas, Quezon City na malapit sa imbakan ng basura.  1,600 litro ng gasolina ang kanilang nagagawa mula sa niresiklong dalawang metrong tonelada ng plastik.

Hindi na bago ang proseso ng Pyrolysis, subalit ginawa itong unique ni Navarro na aprubado naman ng Philippine Intellectual Property Office. Noong 2008, nanalo ang kanyang nasaliksik ng “Outstanding Creative Research” mula sa Department of Science and Technology o DOST.

Mga larawan mula sa Google Image Public Domain

Pinaplano ni Navarro na magtayo ng karagdagang pasilidad sa lalawigan ng Rizal at iba pang karatig–lalawigan sa Metro Manila, sa pakikipag–ugnayan sa iba’t ibang local government units.

Kung susuportahan ng pamahalaan ang imbensyon ni Navarro, tiyak na makatutulong ito nang malaki sa ekonomiya ng bansa at makatutulong pa upang mabawasan at masolusyunan ang suliranin hinggil sa basura, na lubusang nakaaapekto sa kapaligiran. Sa kasalukuyan ay ramdam na ramdam na ang epekto ng global warming o pag–init ng mundo dahil sa greenhouse effect.