Sesame Street, ginawa nang opisyal na kalye sa New York




Larawan mula sa Instagram page ng Sesame Street

Kabahagi na ng bawat umaga ng mga batang 90s ang iba’t ibang children’s show kabilang na ang American educational series na ‘Sesame Street.’

Dahil isa ito sa mga pinakasikat at pinakapinapanood na children’s show hanggang sa kasalukuyan, umabot na sa ika-50 taong anibersaryo ang nasabing show at may malaking regalo sila sa fans.

Opisyal nang ginawang kalye ang Sesame Street ng pamahalaan ng New York City at inilagay na ang signage sa intersection ng West 63rd at Broadway streets sa nasabing lungsod sa United States.

Larawan mula sa Instagram page ng Sesame Street

Hindi man ito ang opisyal na kalye na pinagdarausan ng adventures ng mga tauhan ng Sesame Street, sa West 63rd street naman matatagpuan ang opisina ng Sesame Workshop; ang kompanyang naglunsad ng programa.

Ayon sa isang pahayag, natutuwa ang Mayor ng New York na si Bill de Blasio sa magandang pagpapakilala ng Sesame Street sa kanilang lugar at naging dagdag na atraksyon ito para sa lungsod kaya nararapat lamang na bigyan nila ng pagkilala ang Sesame Street sa ika-50 anibersaryo nito.

Sa ginawang pagpapasinaya ng signage ng Sesame Street, dumalo ang mga tauhang minahal ng marami katulad nina Big Bird, Oscar, Cookie Monster, at Elmo.

Sa kanila namang Instagram account, nagpasalamat ang buong staff at cast ng Sesame Street sa malaking pagkilalang ito na mas magiging dahilan daw para mas maalala ang show ng mga televiewers, higit ang mga millennial.

Larawan mula sa Instagram page ng Sesame Street

“In honor of our 50th anniversary, the City of New York named 63rd Street and Broadway “Sesame Street” while surrounded y everyone’s favorite furry friends and the cast of Sesame Street. Thank you to Mayor Bill de Blasio, Council Member Helen Rosenthal, the residents of 63rd street and everyone else who helped with this incredible honor,” sabi sa post ng kanilang Instagram post.

Napapanood sa iba’t ibang sulok ng mundo ang Sesame Street na unang napanood noong November 10, 1969.