Seaweed farming sa Palawan, simbolo ng edukasyon para sa karamihan

Image from Wikimedia Commons

Madalas nating marinig sa mga nakatatanda na bukod sa mga materyal na bagay, ang edukasyon ang tanging pinakamahalagang kayamanan na maaari nilang ipamana. Kung kaya hindi kataka-taka na ganoon na lamang kapursigido maghanap-buhay ang mga magulang para sa kinabukasan ng kanilang mga anak. Hindi alintana ang pagod sa araw-araw mapagtapos lamang sila sa pag-aaral.

Si Mardy Montaño ay isa sa mga inang nagsusumikap na itinataguyod ang pag-aaral ng kanyang mga anak. Siya ay mula sa Negros Occidental subalit piniling pumunta ng Palawan at doon manirahan upang makasama ang kanyang minamahal.

Image from Pixabay

Ang kanyang pangarap na mapag-aral nang mabuti ang kanyang mga anak ay nagsilbing daan upang matulungan rin ang ibang mga magulang na nagnanais mabigyan ng edukasyon ang kanilang mga anak.

Siya ngayon ang namamahala at tumatayong pangulo ng Cherish Fisherfolk Association; isang grupo na binubuo ng mga seaweed farmers sa Sitio Balintang, Barangay Isugod.

Ayon kay Montaño, ang seaweed farming ang tanging hanapbuhay sa kanilang lugar na nakatutulong sa kanila upang makapasok sa paaralan ang mga bata. Kumpara kasi sa siyudad na may mga permanenteng trabaho na maaaring pasukan, sa Palawan ay dagat lang ang mayroon sila.

Pagbabahagi rin niya, kapag dumating na ang bagyo, madalas ay wala silang maihaing pagkain dahil delikado ang mangisda. Kapag walang maiuwing huli ang mga kalalakihan ay kawawa ang mga bata. Subalit nang simulan nila ang seaweed farming, sila ay nakararaos sa pang-araw-araw kasama na ang mga gastusin sa paaralan.

Sa kanilang lugar, ang bentahan ng isang kilong seaweed ay nagkakahalaga ng P85.00. Bawat linya nito na kanilang naaani ay umaabot sa 25 metro ang haba. May 100 kilo ang bigat nito kapag sariwa pa at nasa 25 hanggang 30 kilo naman ang kinakalabasan matapos ito patuyuin. Sa kabuuan, sila ay maaaring kumita ng P2,500.00 kada linya ng seaweed.

Image from Pixabay

Kuwento pa ni Montaño, kapag nagsabi na ang kanilang mga anak na magkakaroon na sila ng pagsusulit sa susunod na linggo, agad na nilang inihahanda ang mga seaweed upang patuyuin.

Sa tulong ng United States Agency for International Development (USAID), Lutheran World Relief (LWR), at ng Ecumenical Church Loan Fund (ECLOF), sila ay nagkaroon ng solar inland dryer kung saan mas mabilis, malinis, at maayos ang pagpapatuyo ng mga seaweeds.

Malaki ang pasasalamat ni Montaño sa seaweed dahil ngayon ang kanyang panganay na anak ay isa nang agricultural engineer.