Ryzza Mae Dizon, magtatapos ng elementarya sa isang international school




Larawan mula sa Instagram account ni Ryzza Mae Dizon

Malayo na nga ang narating ng isang batang nangarap na makaahon sa hirap mula Angeles, Pampanga nang manalo siya sa Little Miss Philippines sa noontime show na Eat Bulaga noong 2012.

Ngayon, proud ang dating child star at ngayon ay teenager na si Ryzza Mae Dizon dahil sa kabila ng kanyang busy schedule, magtatapos na siya ng elementarya sa Eton International School.

Masayang ibinahagi ng Eat Bulaga host ang kanyang ginawang graduation pictorial sa kanyang Instagram account na sa kasalukuyan ay mayroon nang mahigit 50,000 likes.

Larawan mula sa Instagram account ni Ryzza Mae Dizon

Humanga ang marami sa dedikasyon ni Dizon na matapos ang kanyang pag-aaral kahit na abala ito sa iba’t ibang proyekto kabilang na ang Eat Bulaga kung saan napapanood siya tuwing Lunes hanggang Sabado, at Sunday Pinasaya naman tuwing Linggo.

Matapos manalo sa sinalihang contest sa Eat Bulaga, naging main host na siya nito at nabigyan pa ng solo talk show na ‘The Ryzza Mae Show,’ mga endorsement, at ilang pelikula na naging dahilan upang makaipon ang batang aktres ng sapat na pera at makapasok sa isang international school.

Noong 2013, nag-enroll si Dizon sa Eton at noong 2015, nakatanggap siya ng parangal na Excellence in Verbal Linguistic at Eton Achiever Special Award.

Nagpaabot naman ng pagbati ang mga kaibigan, katrabaho, at kasamahan ni Dizon sa iba’t ibang show na kinabibilangan niya.

Nagkomento sa Instagram post ang mga ‘Dabarkads’ ni Dizon sa Eat Bulaga na sina Ryan Agoncillo, Pia Guanio, Baby Baste, Maureen Wroblewitz, Aicelle Santos, at Allan K.

Binati rin si Dizon ng iba pang celebrities katulad nina Niel Perez, Rodjun Cruz, Rocco Nacino, Betong Sumaya, at Vanessa Matsunaga.

Larawan mula sa Instagram account ni Ryzza Mae Dizon

Ibinabahagi lagi ni Dizon ang kanyang mga tagumpay sa kanyang social media pages upang magbigay ng inspirasyon sa kanyang mga fans at followers.

Maliban sa pagiging aktibo sa telebisyon at pelikula, pinasok na rin ni Dizon ang paggawa ng vlog at kasalukuyang mayroon siyang higit 124,000 na subscribers.