Ricky Lee nagtapos sa edad na 72; may payo para sa mga kapuwa niya graduates

Imahe mula sa Instagram (@rahyancarlos) at Facebook (Kirby Martin Lapus)

Sino nga ba ang hindi nakakakilala sa sikat na manunulat na si Ricardo “Ricky” Lee?

Ilan sa kaniyang mga isinulat na pelikula ay ang “Himala,” “Anak,” “Jose Rizal,” “Muru-Ami,” “Dubai,” “Nasaan ka Man,” at “Bagong Buwan.”

Siya rin ang sumulat ng mga nobelang “Para Kay B (O Kung Paano Dinevastate ng Pag-ibig ang 4 Out of 5 sa Atin,” “Si Amapola sa 65 na Kabanata,” “Sa Puso ng Himala,” at “Kung Alam N’yo Lang.”

Siya ang creative consultant at creative manager ng ilan sa mga sikat na palabas sa ABS-CBN tulad ng “The Greatest Love,” “Lobo,” “Maging Sino Ka Man,” “Magkaribal,” at “Maalala Mo Kaya.”

Imahe mula sa Facebook (Ricky Lee)

Sa kabila ng narating na tagumpay, alam mo ba na hindi niya natapos ang kursong AB English sa University of the Philippines (UP) Diliman dahil sa Martial Law? Kaya nahirapan siyang matanggap sa Filipino Department ng UP upang magturo ay dahil wala siyang degree.

Buti na lamang at kinuha siya ng Ateneo kahit hindi siya nakagraduate. Sunod siyang nagturo sa UP Mascom Department, hanggang sa nakapagturo na rin siya sa UP Filipino Department.

Kaya labis ang kaniyang tuwa nang gawaran siya ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) ng Doctorate in Humanities Honoris Causa.

“Akala ko ‘di na ako gagraduate. Ilang dekada ko rin itong hinintay,” pagsisimula ni Lee sa kaniyang commencement speech sa harap ng maraming graduates ng PUP na ginanap sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay noong May 8, 2019.

Imahe mula sa Instagram (@chandaromero_atlast)

Sa kaniyang speech, ibinahagi ni Lee sa mga kapuwa graduates ang mga paghihirap na kaniyang pinagdaanan noong siya ay working student pa lang hanggang sa pagbibigay niya ng workshops nang libre ngayon.

Nagbigay siya ng tatlong mahahalagang aral sa buhay.

1. Laging kulang ang silya.

Noong bagong salta sa Maynila si Lee at ang kaniyang mga kaibigan mula sa Bicol, apat lang ang silya sa kanilang tinitirhan. Laging may isang nakatayo sa kanila habang kumakain. Ipinangako ni Lee sa sarili na makakabili siya ng silya upang makaupo lahat.

“Laging kulang ang silya. Hindi nakaabang ang mundo para ibigay sa iyo lahat ng kailangan mo,” mensahe ni Lee sa mga nagsipagtapos.

“Hindi ka entitled. You have to be resourceful. You have to work hard.”

Video kuha ni Rahyan Carlos

2. Hindi ka kailangang maging perpekto.

“Hayaan mo sila. Just keep working hard. Ipaglaban mo ang mga pangarap mo,” payo niya.

“At kahit mabigo ka, huwag kang mag-alala. Hindi iyan ang sukatan ng worth mo bilang tao.”

“You’re never worthless. Just be yourself.”

Imahe mula sa Facebook (Ricky Lee Official)

3. Makisangkot ka.

“Ang buhay na hindi inilaan sa kapakanan ng iba ay parang lantang gulay o bilasang isda na walang nakinabang.”

“Huwag kang kuripot. Ibigay mo ang buhay mo sa iba, maski na paminsan-minsan lang.”

“‘Yang hawak mong diploma, para ‘yan sa iba, hindi ‘yan para sa’yo.”

Source :

ABS-CBN, Inquirer