QC Mayor Joy Belmonte sa mga nagrereklamong residente: “Tumira kayo sa Makati”




Mga larawan mula sa Facebook account ni Mayor Joy Belmonte

Tahasang sinabi ng bagong halal na si Quezon City Mayor Joy Belmonte na maaari nang tumira sa “maunlad” na Makati ang mga residente ng QC na nagrereklamo at nagkukumpara sa mga libreng school supplies na ipinamimigay sa mga mag–aaral, batay sa kanyang Facebook post noong Mayo 23, 2019.

Larawan mula sa Facebook account ni Mayor Joy Belmonte

“Sa mga nagrereklamo na bakit walang shoes, bota, rubber shoes, PE uniform, school uniform, kapote at allowance, sa Makati nalang po kayo tumira. These are all provided for there. Mas malaki po ang kanilang pondo at kakaunti lang po ang mamamayan nila.”

Ipinaliwanag niya na kumpara sa Quezon City, mas maliit ang populasyon ng mga residente sa Makati. Suliranin din ang “informal settlers” na aabot sa 250, 000 pamilya.

“500,000 lang po ang tao sa Makati at napakaliit lang nito kumpara sa QC. Kaunti rin ang mga seniors at ISFs kaya mas malaki ang nailalaan sa bawat sektor. Sa QC po 3.2 million ang taumbayan at tayo po ay 6 times bigger than Makati. We also have about 250, 000 informal settler families and housing is a big problem in QC but not as big in Makati.”

Ipinagdiinan din niya na kauupo pa lamang niya bilang alkalde, at ang budget ay nasa kontrol pa rin ng dating mayor na si Herbert Bautista. Payo niya, lumapit daw ang mga nagrereklamong residente kay Bistek dahil nasa kanya pa ang kontrol sa pondo ng bayan.

“Ang pondo po ng lungsod na sinasabi ninyong napakalaki ay kontrolado po ng ating alkalde na si Mayor Herbert Bautista. Sa kanya po kayo mag–request ng school supplies para sa lahat ng bata sa QC.”

At bilang bagong mayor ng QC, ipinangako niyang gagawin ang lahat ng mga paraan upang maibigay ang hinihinging libreng school supplies ng lahat ng bata sa naturang lungsod.

Larawan mula sa Facebook account ni Mayor Joy Belmonte

“Next year po, kakayanin ko na pong gawan ng paraan ang school supplies para sa lahat ng school children dahil tayo na po ang gagawa ng mga programa para sa lungsod.”

Si Joy Belmonte ay dating Vice Mayor ng Quezon City.

Bago magpasukan, pinangunahan ni Mayor Belmonte ang pamimigay ng mga libreng school supplies sa ilang piling mga mag–aaral at paaralan sa Quezon City, na makikita sa kanyang official Facebook page.

Mga larawan mula sa Facebook account ni Mayor Joy Belmonte