Planong world-class Manila Zoo na may ₱1.5 billion budget, hindi pa rin natutupad

Imahe mula sa Wikipedia/ Elmer B. Domingo

Malaking palaisipan kung ano na ang nangyari sa ₱1.5 billion allocated budget para baguhin at gawing world-class ang Manila Zoo.

Ayon sa report ng Manila Times, noong 2014 ay may nilagdaan umanong joint venture agreement ang Manila City Hall—na kinatawan ni Mayor Joseph Estrada—at ng Metropolitan Zoo and Botanical Park, Inc.

Ang joint venture agreement ay nagsasaad ng mga plano kung paano gagawing modernisado ang 60-year-old Manila Zoo gamit ang ₱1.5 billion budget.

Batay umano sa mga nakalap na dokumento ng Manila Times, noon pang 2016 inaasahang matatapos ang planong pagmomordenisado ng Manila Zoo. Gayunman, hindi ito natuloy dahil sa mga di-umanong ‘questionable provisions.’

Imahe mula sa Wikipedia / Ramon F. Velasquez

Ang Metropolitan Zoo and Botanical Park Inc. ang inatasan upang baguhin ang disenyo at muling pasiglahin ang Manila Zoo. Ito rin ang inatasan upang pangasiwaan ang pangarap na world-class zoo.

Ayon pa sa report, sinubukan umano ng Manila Times na kunan ng pahayag ang Metropolitan Zoo and Botanical Park, Inc. ngunit walang available representative na maaaring magbigay ng paliwanag.

Sinubukan din umano nilang hingan ng panig ang mga opisyal ng Manila City Hall ngunit hindi sila nagpaunlak ng sagot. Anila, ang isyu ay ia-address ni Mayor Estrada matapos ang May 13 election.

Samantala, ayon naman sa report ng Inquirer noong 2015, bagama’t bago pa lamang at walang kahit anong experience sa pagtatayo o pag-ooperate ng zoo ay pinili ni Estrada ang Metropolitan Zoo and Botanical Park, Inc. upang gawing modernisado ang Manila Zoo.

Imahe mula sa Wikipedia/ Elmer B. Domingo

Ang planong ito sana ang first major rehabilitation na isasagawa sa Manila Zoo mula nang una itong buksan sa publiko noong 1959.

Noon pang 2013 nagsimula ang mga diskusyon hinggil sa rehabilitasyon ng Manila Zoo na may sukat na 5.5 ektarya.

Samantala, noong Enero 21, 2019 ay temporaryong ipinasara ng Manila City Hall ang Manila Zoo dahil ito ang inirekomenda ng Office of the City Administrator at ng Department of Engineering and Public Works (DEPW).

Ang pagsasara nito ay may kaugnayan sa Manila Bay rehabilitation matapos maturingan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na major pollutant ang Manila Zoo dahil na rin sa kakulangan nito ng Sewage Treatment Plant.