Pelikulang “Kuwaresma” ni Sharon Cuneta, nakatanggap ng magagandang reviews sa ilang sikat na personalidad

Mga larawan mula sa Instagram account ni Sharon Cuneta/twitter accounts nina Marcelo Santos III at Kimpoy Feliciano

Sa kauna–unahang pagkakataon sa kanyang maningning na career sa showbiz, bumida sa isang pelikulang horror si Megastar Sharon Cuneta na pinamagatang “Kuwaresma” na nagbukas sa mga sinehan nitong Mayo 15, 2019.

Habang “nahihintakutan” ang mga tao sa magiging resulta ng halalan, nakahandang magbigay ng kakaibang takot at danas ang Megastar sa mga sinehan. Kasama niya sa pelikulang ito ang magaling na aktor na si John Arcilla.

Ilang mga sikat na personalidad ang nagbigay ng magagandang reviews sa naturang pelikula. Nariyan ang “misteryosong” manunulat na si Marcelo Santos III.

Ayon sa kanyang Facebook post nitong Mayo 16, 2019, inakala niyang isang tipikal na horror movie lamang ang pelikula, subalit kapag napanood mo na ito, para ka umanong “mababaliw” dahil sa napakatalinong pagkakagawa sa mga twists nito.

Hindi raw niya mabilang kung ilang beses silang napahiyaw at napasandig sa upuan ng kanyang kasama. Sa pagwawakas ng pelikula, napatulala lamang sila.

“Akala ko parang typical horror movie lang ang KUWARESMA, pero while watching the movie, nakakabaliw siya! Sobrang talino ng pagkakagawa! Yung TWIST, nakakasira NG ULO! Hindi ko mabilang kung ilang beses akong napasigaw at napasandal sa kinauupuan ko dahil sa takot tapos after watching the whole movie, nakatulala lang kami ng kasama ko.”

Dagdag pa niya: “HINDI LANG SIYA NAKAKATAKOT, MAY GUSTO SIYANG IKWENTO, at yun ang NAKAKATAKOT. Hindi kami OA. Hindi pa lang kasi nagsisink–in sa amin yung nangyari. Parang nakakatrauma siya pero in a good way. Basta. Panoorin niyo na lang. Showing na naman siya sa mga sinehan.”

Tanong tuloy ni Marcelo, bakit ngayon lamang gumawa ng pelikulang horror ang Megastar. Hiling niya na ipagpatuloy pa nito ang pagbida sa mga pelikulang ganito ang tema. Lubos din umano siyang naapektuhan sa ipinakitang pag–arte ni John Arcilla.

Larawan mula sa Facebook page na Marcelo Santos III

Nagbigay rin ng kanyang magandang review ang online sensation at aktor na si Kimpoy Feliciano sa kanyang Twitter account, na ibinahagi mismo ni Sharon.

Ayon sa kanyang Twitter post: “PAPARATING NA ANG KUWARESMA!  Grabe pawis na pawis ako! One of the best Horror Filipino Films na napanood ko. Hindi siya yung typical gulatan lang! Mismong story yung nakaka-paranoid. You have to see it guys!”

Larawan mula sa Twitter account ni Kimpoy Feliciano

Dahil sa magagandang reviews na ito, tila mas nahikayat ang mga tao na panoorin ang naturang pelikula.

Ang “Kuwaresma” ay nasa direksyon ng batikang si Direk Erik Matti.