PBA star player, nakiusap sa mga fans na huwag nang tularan ang agaw-pansin na si ‘Spiderman’

Screenshot mula sa Instagram ni June Mar Fajardo / Facebook

Nagpahayag ng kaniyang saloobin si PBA 4-time MVP June Mar Fajardo hinggil sa engkuwentro nila ni “Spiderman” bago matapos ang 4th quarter game sa pagitan ng San Miguel at Magnolia noong Game 5 ng 2019 PBA Philippine Cup finals kamakailan.

Nagulat ang lahat sa Araneta Coliseum nang biglang sumulpot mula sa kanang bahagi ng court ang isang lalaki na naka-costume ng Spiderman.

Naging sanhi ito upang matigil ng ilang minuto ang laro at ‘di sinasadyang nakasakit ng ilang PBA players tulad ni Fajardo na napabagsak sa biglaang pagbangga sa kaniya ng lalaki na nakilalang si Paolo Felizarta, 31-taong gulang.

“Nagulat lang ako. Hindi naman natin ini-expect na mangyayari ‘yun. Siguro, nagpapapansin lang ‘yun,” pahayag ni San Miguel star center Fajardo.

Imahe mula sa June Mar Fajardo Facebook page

Aniya, kung nais lamang ng lalaki na magpapansin, ginawa niya iyon sa maling paraan kaya kinuy0g ito ng mga tao.

Pinakiusapan naman ni Fajardo ang mga basketball fans na huwag nang tularan ang ginawa ni Felizarta.

“Delikado ‘yung ginawa niya. Baka may ma-injure na players o siya ang baka ma-injure. Buti na lamang at walang na-injury sa ginawa niya,” dagdag pa ni Fajardo.

Nabigla si Fajardo sa pagkakabunggo sa kaniya ni Felizarta kaya ito napabagsak sa sahig. Sinabi niyang ayos lamang siya at ang panga niya lamang ang sumakit.

Ayon sa report ng ABS-CBN, nakisimpatiya naman si Arwind Santos na teammate ni Fajardo. Aniya, may mga tao talaga na hindi natin naiisip kung ano ang mga naiisip nila, at bigla na lamang iyong gagawin kahit makakasama ito sa ibang tao sa paligid.

Screenshot mula sa Facebook video

Samantala, si Felizarta ay kasalukuyang nakadetine sa Station 7 ng Quezon City Police District at posibleng maharap sa dalawang minor offense.

Ayon naman sa report ng GMA, nagpublic apology na si Felizarta at humingi na ng paumanhin kung nasaktan niya si Fajardo na hindi niya talaga intensiyong masaktan.