Panukalang-batas na mag-aatas sa mga graduating students na magtanim, aprubado na sa Kongreso




Imahe mula sa Pexels

Aprubado na ng Kongreso ang panukalang-batas na mag-aatas sa lahat ng graduating students na magtanim ng mga puno bago nila makuha ang kanilang diploma.

Ang House Bill 8728 o mas kilala bilang “Graduation Legacy for the Environment Act” ay may layuning atasan ang lahat ng graduating elementary, high school, at college students na magtanim ng hindi bababa sa sampung puno bilang pangunahing pangangailangan sa kanilang pagtatapos.

Ang mga puno ay kailangang maitanim sa mga angkop na lokasyon, klima, at topograpiya gamit ang mga gabay sa pagtatanim ng mga native trees. Ang mga maitatanim na puno naman ay magsisilbing pamana ng bawat magsisipagtapos sa mga susunod na henerasyon.

Sina Rep. Gary Alejano (Magdalo Party-list) at Rep. Strike Revilla (2nd District, Cavite) ang mga pangunahing may-akda ng HB 8728.

Imahe mula sa Pexels

Ayon kay Alejano, may karapatan ang mga kabataang Pilipino sa pagkakaroon ng balanse at malusog na ekolohiya. Gayunman, kailangan din ng mga kabataan na gumawa ng mga hakbang upang makapag-ambag sa pagpapanatili ng malusog at berdeng kapaligiran.

Kapag ganap nang naimplementa, tinatayang 175 milyong mga bagong puno ang maitatanim bawat taon sa dami ng mga mag-aaral na inaasahang magtatapos sa elementary, high school, at college kada taon.

Ayon naman kay Revilla, hindi na kailangang makipagdebate hinggil sa pangangailangan na mapangalagaan ang ating kalikasan at mapanatili ang ecological balance sa ating bansa. Kailangan din umanong mapalitan ang mga pinutol na puno dulot ng urbanisasyon.

Imahe mula sa Pixabay

Sa ilalim ng panukalang-batas, magiging mandato ng Department of Education (DepEd) at ng Commission on Higher Education (CHEd) ang pag-iimplementa nito. Katuwang din sa pag-iimplementa ang iba’t ibang sangay ng gobyerno, tulad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of Agriculture (DA).

Ang HB 8728 ay bahagi ang pagsisikap ng gobyerno na pangalagaan ang mga likas na yaman ng ating bansa. Upang ganap itong maisulong, kailangang dumaan muna sa Senado at malagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang-batas.