Pangulong Duterte, limang araw na hindi nagparamdam sa taumbayan

Imahe mula kay Sec. Bernadette Romulo-Puyat/Facebook

Limang araw na hindi nagparamdam sa taumbayan si Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang linggo na lalong binatikos dahil sa larawang ipinadala ng pangulo kay Department of Tourism secretary Bernadette Romulo-Puyat noong Mayo 4.

Sa larawang ipinadala ni Puyat sa media, makikita ang pangulo na nanonood ng pelikulang Unchained Django sa Netflix katabi ang mga kopya ng mga pangunahing broadsheets sa Pilipinas. Ang larawan ay ipinadala kay Puyat sa pamamagitan ng Viber.

Ayon sa report ng PhilStar, si Puyat ay nakatanggap ng tawag mula sa pangulo habang nasa kalagitnaan ng isang interview. Tinanong naman ng kalihim ang pangulo dahil limang araw itong hindi nagparamdam sa taumbayan.

Ang sagot umano ng pangulo ay: “Bakit, Sabado naman. Masama ba ang manood ng Netflix?” Pagkatapos, agad na ipinadala ang kaniyang larawan sa pamamagitan ng Viber.

Photo release mula sa www.pcoo.gov.ph

Ang ilang araw na absence ni Duterte sa Malacañang ay nag-iwan ng mga palaisipan kung ano ang ginagawa ng pangulo matapos ang pagbabalik nito mula sa Beijing, China.

Ayon naman sa report ng ABS-CBN, habang ang mga gabinete ng pangulo at ang mga opisyal ng Central Bank ay nakikipagtipon sa Nadi, Figi para sa taunang Asian Development Bank (ADB) meeting, si Duterte ay nakikibalita lang mula sa bahay nito sa Davao.

“He was following up on my meeting with the Civil Aeronautics Board (CAB) regarding the carrying capacity of Boracay. He just wants to ensure that his directive was followed,” paliwanag ni Puyat sa isang panayam.

Sa kabila nito, tiniyak naman ni presidential spokesperson Salvador Panelo na abala ang pangulo sa mga paperworks na kailangan nitong harapin.

Samantala, binatikos naman ng grupong Gabriela ang limang araw na ‘pagpepetiks’ umano ng pangulo.

Imahe mula sa Gabriela Facebook page

“Anong klaseng presidente itong limang araw na nakapahinga at papetiks-petiks habang ang taumbayan ay ’di magkandaugaga sa pagtaas ng singil sa kuryente, kawalan ng regular na suplay ng tubig, nagtataasang presyo ng bilihin, at iba pang atake sa kabuhayan?,” pahayag ni Gabriela secretary general Joms Salvador na mababasa sa GMA News.