Pahingi, please: Aso kinalabit ang isang bata para manghingi ng barbecue

Larawan mula sa Facebook account ni Iya Ortilano Sarmiento

Madalas nating kainisan ang mga barkada nating buraot, o iyong mga mahilig manghingi ng kung anong meron ka, kabilang ang pagkain.

Ngunit paano kung isang aso ang manghingi sa iyo ng kinakain mo at kakalabitin ka pa?

Ganito ang eksena ng isang cute na aso na tila nagmamakaawang bigyan siya ng kinakaing barbecue ng isang batang babae.

Larawan mula sa Facebook account ni Iya Ortilano Sarmiento

Aypn sa video na inupload ng Facebook page na Master, Wendell na orihinal na kuha ng netizen na si Iya Ortilano Sarmiento, makikita ang isang puting aso na kinakalabit ang isang batang kumakain ng barbecue upang bigyan siya nito.

Mapapanood sa video na kapag binigyan ng isang hiwa ng karne ng barbecue ang aso at naubos niya ito, maya-maya ay manghihingi siya ng isa pa sa pamamagitan ng pagkalabit gamit ang isa niyang paa sa batang babae.

“Kungwari hindi mo po pinapansin… Bigyan mo ng isa, kakalabitin ka niyan…” sabi ng kumukuha ng video sa batang babae.

Binigyan naman ng batang babae ng kinakain niyang barbecue ang aso at naghintay ng ilan pang sandali.

Hindi naman sila nabigo at makalipas ang ilang segundo, hindi na nakatiis na tumitig lang ang aso at kinalabit na nito ang bata.

Makailang ulit na ginawa ng aso ang pangangalabit sa bata sa tuwing hindi siya nito pinapansin at ipinakikita sa cute na aspin na abala siyang kumain ng ihaw-ihaw na binili sa katabing tindahan.

Nang kunwaring tumalikod ang bata, sumunod rin ang aso at tinitigan pa rin siya at kinalabit muli nang matagal.

Dahil sa tuwa, nasabi ng kumukuha ng video na nakaaaliw ang angking talino ng aso at parang tao kung manghingi ng pagkain.

“Ang cute ng aso, nanghihingi parang tao…” muling sambit ng kumukuha ng video.

Umani naman ng iba’t ibang positibong reaksyon ang video ng asong marunong manghingi ng masarap na pagkain.

“Thank you for being compassionate to dogs,” sabi ng isang netizen dahil sa pagpapakain nila sa aso.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Biro naman ang naisip ng isang netizen matapos mapanood ang video.

“Wag n’yong sanayin ‘yong aso. Pag nasanay yan, aakyat na yan ng jeep at mamimigay ng sobre.”

Sa kasalukuyan, umabot na sa mahigit 34,000 reactions at 9,000 shares ang nasabing video.