Pacman, handang gabayan si “Bato” sa senado

Mga larawan mula sa Google Image Public Domain

Sinabi ni  Senador Manny “Pacman”Pacquiao nitong Huwebes, Mayo 16, 2019,  na handa siyang tulungan at gabayan ang dating hepe ng pulisya na si Ronald “Bato” dela Rosa, na batay sa unofficial at partial results ng halalan ay posibleng mapabilang at makasama niya sa senado.

Mga larawan mula sa Google Image Public Domain

Sa kauna–unahang press conference ng PDP-Laban matapos ang halalan, ipinagtanggol ni Pacman si Bato laban sa mga kritiko nito.

Ani Pacman: “Hindi naman sinabi natin walang alam si Bato. May alam siya pero ang ibig siguro niyang sabihin ‘yung proseso ng Senado, ‘yung rules ng Senate.”

Handa umano siyang ibahagi ang kanyang nalalaman kay Bato, lalo’t naranasan na rin niya ang mabatikos at makuwestyon ang kredibilidad sa pagiging senador.

“Kung mag-ask sila about sa alam ko sa proseso sa senado, kung ano ang alam kong mai-share ko sa kanila. July pa naman sila mag-start, pwede pa silang mag-aral ng isang linggo, dalawang linggo.”

Sa panayam na isinagawa ng CNN Philippines noong Martes, Mayo 14, 2019, inamin ni Bato na hindi niya gamay ang paggawa ng mga batas sa senado, kaya kung may oportunidad daw na makadalo siya sa mga seminar at training para dito, susunggaban daw niya upang patunayan sa taumbayan na sulit ang kanilang boto sa kanya.

“Meron bang seminar diyan o ano bang training diyan para matutunan ko ‘yung paano gawin ‘yung batas. Ano ba ang mga trabaho namin diyan sa Senado? Kung merong ganun, I will take that opportunity para matuto ako.”

Mga larawan mula sa Google Image Public Domain

Dagdag pa ni Pacman, maaaring humingi ng tulong si Bato sa Development Academy of the Philippines upang mabigyan siya ng training hinggil sa mga ginagawa sa lehislatura, katulad ng ginawa ng Pambansang Kamao.

Naniniwala si Pacman na sapat ang sinseridad sa puso ni Bato at bantad sa mga suliraning panlipunan.

Si Ronald “Bato” Dela Rosa ay naglingkod kay Pangulong Rodrigo Duterte bilang pangunahing pulis sa Davao City. Siya rin ang namuno noon sa “Operation T0khang”.