Ogie Diaz sa mga celebrity na nag-eendorso ng politiko: “Merong kita dyan at kalakaran na iyon”

Larawan mula sa Instagram at Facebook account ni Ogie Diaz

Maliban sa kanyang angking husay sa pagpapatawa at paghawak ng mga artista, madalas mag-trending ang komedyante at talent manager na si Ogie Diaz dahil sa kanyang matatalinong opinyon at pag-aanalisa sa mga isyung pambayan.

Kamakailan, muling inihayag ni Diaz ang kanyang pananaw tungkol sa mga celebrity na nag-eendorso at nangangampanya ng mga kandidato para sa halalan 2019.

Sa kanyang Facebook post, sinagot ni Diaz ang tanong kung may bayad ba ang mga artistang abala sa pangangampanya ng mga kanditatong lokal at nasyonal.

Larawan mula sa Facebook account ni Ogie Diaz

Ayon kay Diaz, kung makailang ulit lamang nabanggit ng isang artista ang isang kandidato, malamang daw ay hindi bayad ito at talagang napupusuan lamang niya ang politiko.

“Pag once or twice lang nakita sa campaign sorties, baka pwedeng libre lang yon,” paliwanag ni Diaz.

Sinabi rin niya na kung makikita sa lahat ng kampanya ng isang kandidato, panigurado raw na mayroong bayad ang isang celebrity.

“Pero kung lahat ng entablado, nakasampa ang artisa, juice ko. Prangkahan na tayo, kailangan din namang mabuhay ng mga artista,” pagpapatuloy ni Diaz.

Nilinaw din niyang katulad ng mga produktong ineendorso ng mga artista, isang bahagi ng kanilang trabaho bilang mga kilalang indibidwal ang pagpapalaganap ng pangalan ng isang kandidato.

“Hanapbuhay pa din yan. Peak season ang campaign period. Kitaan yan ng datung. Kaya MERONG KITA diyan. At kalakaran na yon.”

Gayunman, karapatan pa rin naman daw ng isang artista ang pag-eendorso ng isang politiko, lalo na ang usapin kung magpapabayad ito o libre lamang na lalabas sa mga programa at advertisement ng mga kandidato.

Larawan mula sa Instagram at Facebook account ni Ogie Diaz

“Well, depende yan. Pwede malaki bayad, dahil naniniwala yung kandidato na makakahatak ng boto yung artista. Pwede din namang pro bono o libre lang yung artista kasi naniniwala siya sa ipinaglalaban ng kandidato,” salaysay ng host.

Ngunit kung si Diaz daw ang tatanungin, mas magiging praktikal pa rin siya at mas pipiliin ang magpabayad sa isang kandidato, kahit na gusto niya itong manalo.

“Pero at the end of the day, mas masarap mag-endorso ng kandidatong gusto mo na, kumita pa.”