NLEX, nais baguhin ang pangalan bilang Marcelo H. del Pilar Expressway; umani ng iba’t ibang reaksiyon

Larawan mula sa Philippine Information Agency or NHCP

Bahagi na ng kulturang Pilipino ang pagbabago ng mga pangalan ng lugar upang ialay sa mga kilalang personalidad tulad ng mga bayani, politiko, maging mga propesyonal na nagkaroon nang malaking ambag sa bansa.

Ngayon, pasado na sa House of Representatives ang isang panukala na palitan ang pangalan ng North Luzon Expressway (NLEX) bilang Marcelo H. del Pilar Expressway (MHDPEX) bilang pagbibigay-pugay sa manunulat at bayaning si del Pilar na kilala rin bilang Plaridel.

Larawan mula sa Philippine Information Agency

Nitong Mayo 15, inaprubuahan na ng Kongreso ang ikatlo at huling pagbasa ng House Bill No. 8958 na inihain ni Bulacan Representative Joe Antonio Sy-Alvarado upang palitan ang pangalan ng NLEX at ialay kay del Pilar.

Ayon kay Sy-Alvarado, sa pagpapalit ng pangalan ng NLEX at pagsunod sa pangalan ni del Pilar, mas maaalala raw ng mga Pilipino ang naging ambag at kabayanihan ng manunulat noong panahon ng pagsakop ng mga Kastila sa bansa.

“It will constantly remind us of the noble deeds of Marcelo H. del Pilar and inspire our people to emulate his example of selfless service to the nation, while his exceptional courage and leadership gave hope and helped unit the Filipino people at a critical time in our country’s history,” pambungad ni Sy-Alvarado sa explanatory note ng House Bill no. 8958.

Gayunman, kahit pumasa na sa Kongreso ang panukala, kailangan naman nitong makalusot sa Senado upang tuluyang maging MHDPEX ang 84 kilometrong NLEX.

Umani naman ng iba’t ibang reaksiyon mula sa mga netizens ang pagpapalit ng pangalan ng superhighway patungo sa hilagang bahagi ng Pilipinas.

Ayon sa ilang netizens, maganda naman daw ang intensiyon ng panukala at katanggap-tanggap naman daw na maipangalan kay del Pilar ang NLEX na sakop ang ilang bahagi ng Bulacan na lupang sinilangan din ng bayani.

Larawan mula sa NLEX Facebook page

Para naman sa ilan, pag-aaksaya umano ng panahon ang pagtuon ng oras ng Kongreso sa pagpapalit ng pangalan ng isang kilalang daanan tulad ng NLEX.

Mas marami raw problemang dapat ayusin ang mga kongresista at mas makatutulong daw sa mga komyuter kung maiibsan ang mabigat na trapiko, kabilang na ang nararanasang pagbigat ng trapiko sa NLEX tuwing rush hour, kahit na isang pribadong highway ito.