Neri Naig, ibinahagi ang mga natutunan mula sa kanyang unang pagdadalantao

Imahe mula kay Neri Naig via Instagram

Isa sa pinakamasayang pangyayari sa buhay ng babae na nangangarap magkaroon ng pamilya ay ang magbunga ang pagmamahalan nila ng kanyang minamahal. Ang isang sanggol ay tunay na mahalagang regalo mula sa maykapal. Subalit hindi lahat ay nabibiyayaan nito o napagkakalooban agad sa oras na naisin.

Imahe mula kay Neri Naig via Instagram

Si Neri Naig, asawa ni Chito Miranda ng bandang Parokya ni Edgar, ay isa sa mga nakaranas na mawalan ng dinadala may apat na taon na ang nakararaan. Ito ang una at marahil ay maselan na ring pagbubuntis niya.

Una siyang nagsalita tungkol sa hindi kaaya-ayang kaganapan noong Agosto ng taong 2016. Nitong Mayo 27 ay muli niyang ibinahagi at sinariwa ang nakaraan sa pamamagitan ng pag-post ng kanyang ultrasound sa kanyang Instagram account.

“June 3, 2015, wala nang heartbeat ang baby namin. Devastated. Galit na galit ako sa mundo nun, even kay God, nung panahon na yun. Bakit?! Yun ang palagi kong tanong sa Kanya. Bakit ipagkakait na bigyan ako ng chance na maging isang ina? Bakit kinuha agad ang baby ko? Bakit?!” ayon sa kanyang caption.

“Sa lahat ng nakaka-relate dito, alam ko ang pakiramdam ng nawalan. Sobrang sakit. Pero malalagpasan mo rin ‘yan. Darating ang tamang panahon na talagang ipagkakaloob ni God sa ‘yo. Ngayon, may napakakulit at healthy baby Miggy na kami. Sobrang perfect baby boy para sa aming mag-asawa. Sobrang love na love namin at mahal na mahal din kaming mag asawa,” pagbabahagi niya.

“Okay lang na i-release mo ang galit mo. Pero ‘wag kang susuko. ‘Wag kang mawalan ng faith sa sarili mo, at lalo na kay God. Alam kong parati mo ‘tong naririnig, totoo na lahat ng nangyayari sa atin ay may rason at totoo rin na darating ang para sa atin. Patience is a virtue, ika nga. Sa lahat ng nakaranas o nakakaranas ngayon ng pagkaulila sa hinihintay hintay nating baby, isang mahigpit na yakap,” payo naman niya sa mga inang kagaya niya.

Imahe mula kay Neri Naig via Instagram

Batid ni Naig ang labis na pagdadalamhati at kalungkutan sa pagkawala ng kanilang panganay na anak subalit unti-unti din niyang natutunan na palayain ang mapait na nakaraan simula noong siya ay muling magbuntis at ipinanganak ang kanilang sumunod na anak na si Alfonso.

Hindi man mabubura sa alaala ng isang ina ang mapait na kaganapan patungkol sa kanyang anak, hinding-hindi naman mapapawi ang pagmamahal na mayroon siya para rito.

Source :

Instagram, ABS-CBN, PEP