Naroon pa ba? Ang pinakamatandang restaurant sa Maynila na kinainan ni Dr. Jose Rizal

Mga larawan mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Kung gusto mo ng food trip at makapunta sa isang makasaysayang lugar sa parehong pagkakataon, suyurin lamang ang Binondo, at hanapin ang pinakamatandang restaurant sa Maynila— ang “New Toho Food Center”.

Unang nakilala bilang “Toho Antigua Panciteria” noong 1888, pinag–usapan sa Facebook page na “Memories of Old Manila” ang mga larawan nito na ibinahagi ng netizen na si Eric Salvador kamakailan.

Ayon sa Facebook post ng netizen, ang pinakasikat na taong kumain dito ay si Dr. Jose Rizal na pambansang bayani ng Pilipinas.

Mga larawan mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Nagbigay naman ng reaksyon dito ang mga netizen. May ilang mga nagpatunay na masarap ang mga pagkain dito.

“Nakakain na ‘ko dito noong bata pa ako, sarap ng lomi at pancit dito. The best ang toho beef at fried rice nila.”

“Masarap ang pancit guisado nila, rellenadong hipon, pata, hamon, kikiam, beef w/ broccolli, pata tim at chicken or duck asado.”

“Favorite place namin iyan noong bata pa ako… madalas kami riyan every Sunday. Hanggang ngayon, kumakain pa rin kami sa resto na iyan, may anak na ako.”

Matatagpuan ang kainang ito sa kalye ng Tomas Pinpin sa Binondo na itinayo ng limang magkakaibigang Tsino noong 1888, at totoong isa ito sa mga paboritong restaurant ni Dr. Rizal. Noong 1984, nasunog ang orihinal na establisyimiento nito kaya’t muli itong itinayo sa Binondo sa pangalang “New Toho Food Center”.

Hanggang ngayon,  authentic Cantonese cuisine pa rin ang kanilang inihahain sa kanilang mga parokyano. Ayon sa isa sa mga may–ari ng New Toho na si Kathleen Wong, ang sikreto nila sa pagpapanatili sa kanilang mga avid customers ay ang food consistency. Walang nabago sa lasa ng kanilang mga itinitindang putahe sa halos isang siglo nitong pamamayagpag.

Ang ilan sa mga hinahanap–hanap ng mga customer sa restaurant na ito ay kanilang roasted liempo, asado, pancit canton, fish fillet with ginger sauce, at Yang Chow fried rice.

Mga larawan mula sa Eats Now or Never

Bukod sa Binondo, may branch din ang New Toho Food Center sa BF Homes Paranaque.