Nadine Lustre, humakot ng parangal sa MYX Music Awards 2019




Mga larawan mula sa Instagram account ni Nadine Lustre/Twitter account ng Elites

Kapapanalo lamang ng parangal bilang “Best Actress” sa FAMAS, muling humakot ng parangal si Nadine Lustre sa MYX Music Awards 2019 na ginanap noong Miyerkules, Mayo 15, 2019.

Itinanghal si Nadine bilang “Female Artist of the Year”, “Artist of the Year”, “Music Video of the Year” para sa “St4y Up”, at “Media Soundtrack of the Year” mula sa “Prom” kasama ang real partner na si James Reid, soundtrack ng pelikulang “Never Not Love You”.

Mga larawan mula sa Twitter account ng Elites

Labis na nasorpresa si Nadine sa mga sunod–sunod na parangal na kanyang natatanggap. Pinasalamatan niya ang kanyang mga tagahanga at tagasubaybay na bumoto sa kanya, gayundin ang mga tagahanga ni James.

“This is a big surprise for me. I would like to thank all the Jadine fans who voted for me, and of course to all our supporters and to James for writing this beautiful, beautiful song. Maraming maraming salamat po, MYX!”

Mga larawan mula sa Instagram account ni Nadine Lustre

Nakalaban at natalo ni Nadine sa kategoryang “Female Artist of the Year” sina Julie Ann San Jose, Moira Dela Torre, Morissette Amon, at Yeng Constantino. Itinanghal namang “Male Artist of the Year” si Darren Espanto.

Nasungkit naman niya ang “Artist of the Year” mula sa mga nakatunggaling sina Darren Espanto, Moira Dela Torre, Shanti Dope, at ang IV Of Spades.

Itinanghal na “Music Video of the Year” ang St4y Up laban sa “My Prison” ng IV Of Spades,  “Pinipigil” ni Yeng Constantino “Shantidope” nina Shanti Dope featuring Gloc-9, at “Tagpuan” ni Moira Dela Torre.

Para naman sa “Media Soundtrack of the Year”, pinataob niya ang “Be My Fairytale” ni Janella Salvador, “Di Na Muli” ni Janine Tenoso, “Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko” ni Moira Dela Torre, at “Maybe The Night” ng Ben&Ben.

Noong Abril 2019, nakatanggap naman ng parangal mula sa FAMAS ang aktres para sa kanilang pelikulang “Never Not Love You”. Itinanghal din siya bilang “Best Performer for 2018” ng Young Critics Circle Film Desk.

Mga larawan mula sa Instagram account ni Nadine Lustre