Nabuhay ba sila? Mga kahawig nina Babalu at Redford White, pinagkaguluhan sa social media

Mga larawan mula sa Facebook account ni Cesar Sebastian, Jr./Google Image Public Domain

Dalawa sa kinikilalang “comedy power tandem” sa industriya ng showbiz ang mga batikang komedyante na sina “Babalu” at “Redford White”. Paminsan–minsan, sumusulpot sa mga social media sites ang kanilang mga larawan na ginagawan ng “memes” ng mga netizens.

Kaya naman, pinagkaguluhan sa Facebook ang mga kumakalat na larawan kung saan “nabuhay” raw ang dalawang komedyante, batay sa mga ibinahaging larawan ng netizen na si “Cesar Sebastian, Jr.” nitong Mayo 15, 2019.

Kitang–kita sa larawan na may kamukha sina Babalu at Redford White sa hindi pa natukoy na mga lugar.

Ang kamukha ni Babalu ay nakasakay sa traktora ng isang sikat na kumpanya ng softdrinks. Mahihinuhang isa siyang truck driver.

Mga larawan mula sa Facebook account ni Cesar Sebastian, Jr./Google Image Public Domain

Habang ang kahawig naman ni Redford White, na maputi at puti rin ang mga buhok, ay nasa loob naman ng isang tindahan. Kung hahanapin sa internet ang larawan ng komedyante, tiyak na mapapanganga ang sinuman dahil mukha silang pinagbiyak na bunga.

Mga larawan mula sa Facebook account ni Cesar Sebastian, Jr./Google Image Public Domain

Samo’t sari naman ang reaksyon dito ng mga netizens.

“Halaaaa…. kamukha nga nila. Paano nangyari yun? Ang galing naman ng nakakuha ng mga pictures na ito. Para talaga silang nabuhay sa kasalukuyan.”

“Wow… nabuhay pala ulit sina Babalu at Redford. Sana hanapin sila ng #KMJS o #RatedK para makilala sila ng mga tao.”

“Baka naman iyan ang buhay nila noong hindi pa sila artista? Imposible namang magkamukhang–magkamukha sila, ‘di ba?”

“Siya ‘yung napagbilhan namin noong nakaraang araw. Nagulat nga kami kasi parang may kamukha siyang artista. Si Redford White pala.”

“Makikita ninyo siya araw-araw driving his truck around Pasong Tamo extension” (tumutukoy sa kahawig ni Babalu).

“Totoo man iyan o hindi, wala namang makakapantay kina Babalu at Redford White. Malaki ang ambag nila sa showbiz, especially in comedy acts.”

Hindi pa kumpirmado kung ano ang pangalan ng mga kahawig nina Babalu at Redford White.

Isa sa mga tumatak na pelikulang pinagtambalan nina Babalu at Redford White ang “Haba–Haba–Doo, Puti–Puti–Poo”, “I Do, I Die (D’yos ko ‘day),” “Tong Tatlong Tatay Kong Pakitong–kitong”, “Isprikitik: Walastik Kung Pumitik”, at marami pang iba.