Mister, na-Endgame? Huwag kasing mag-date ng ibang babae sa sinehan

Larawan mula sa Facebook page ng McCoy's Channel

Napuno ng aksiyon ang mga sinehan nitong mga nakaraang buwan dahil sa sunod-sunod na superhero movies tulad ng Aquaman, Shazam, Captain Marvel, at Avengers: Endgame.

Ngunit sa isang ‘di natukoy na sinehan sa bansa, ibang klaseng aksiyon ang naganap sa pagitan ng isang mister, misis at thrid party.

Sa post ng Facebook page na McCoy’s Channel, makikita ang isang babae na galit na galit sa kanyang mister nang mahuli itong may ka-date at tila manonood ng sine kasama ang isang babae.

Larawan mula sa Facebook page ng McCoy’s Channel

“Yung nahuli mo ‘yung mister mong may ibang kasama manood ng Avengers Endgame,” saad sa caption ng video na tumagal lamang ng 27 segundo.

Sa video, makikita sa mga unang segundo na nakatanggap ang lalaki ng malakas na sampal mula sa kanyang orihinal na karelasyon na naging sanhi upang mabitawan ng ginoo ang hawak niyang baso ng inumin.

Matapos makatikim ng lalaki sa kanyang misis, sinunod naman nito ang ka-date ng mister at hinablot ang buhok ng huli na siyang biglang ikinabagsak nito sa sahig ng mall.

Agad namang naglakad palayo ang babae habang ang inakay naman ng lalaki ay ang kanyang ka-date na imbes na makasaksi ng aksiyon sa pelikulang panonoorin, ay nakatikim ng tunay na aksiyon.

Viral na sa ngayon ang maikling video at nakakuha na ng 1,000 reactions, higit 2,200 shares, at inulan ng iba’t ibang komento mula sa mga gigil na gigil na netizens.

Sabi ng isang nagkomento, kahit nailabas ng misis ang kanyang galit sa dalawa, mabait pa rin naman daw ang babae dahil hindi raw sapat ang kanyang ginawa.

“Ano ba yan, bakit ganun lang ginawa ni Misis. Haha. Ambait pa rin, salute!” sabi ng netizen.

Biro naman ng isang social media user, na-Endgame raw ang dalawa sa ginawa ng misis.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

“Hahaha. Intense! Na-endgame sila. Sad.”

Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng tatlong bida sa real-life action sa sinehan.

Gayunman, marami ang naging kakampi ng misis at sinabing gagawin din nila o mas malala pa ang ginawa niya sa dalawang umahas sa kanya.

Be loyal na lang kasi para walang ‘endgame.’