Mike Enriquez sa mga nanalong kandidato: “Ano’ng maaasahan namin sa inyo ngayon?”




Imahen mula sa Wikipedia

Nag-viral ang ilan sa mga video clips ng isa sa mga iginagalang na news anchors sa bansa na si Mike Enriquez nang magpahayag ito ng mga pansariling opinyon hinggil sa naganap na eleksiyon noong Mayo 13.

Tila nasilbing boses ng taumbayan ang mga naging pahayag ni Enriquez habang nagbabalita sa special election coverage ng GMA 7.

“Lahat ng mga nanalo, nawa ay ma-interview natin. Gusto ko silang singilin. Ano’ng maaasahan namin sa inyo ngayon?” pahayag ni Enriquez na patungkol sa mga nanalong kandidato, partikular sa mga nangungunang senatorial bets.

Imahen mula sa GMA News Facebook page

Tumugon naman dito ang dalawang co-anchors na sina Mel Tiangco at Jessica Soho. Nagtanong kung bakit ang aga yatang maningil ni Enriquez. Anila, bigyan muna ng panahon ang mga kandidato para ma-enjoy ang kanilang pagkapanalo.

“Ah, ganon? Tama kayo. (Pero) ‘Yung mga nagugut0m, mga walang tirahan, at walang panggamot kapag may sakit, subukan mong sabihin na ‘kaunting panahon pa, ha?’ Tiis-tiis lang,” sagot ni Enriquez.

Dapat din daw na habang umuusad ang kanilang termino ay nakikita ng taumbayan kung ano ang mga nagawa ng mga nanalo sa eleksiyon versus sa kung ano ang mga naipangako nila habang nangangampanya.

Imahen mula sa GMA News Facebook page

“Lahat ‘yan ay mga nangako. Kung kalahati lang sa pangako ng mga kandidato ay magkatotoo—kalahati lang, hindi siyento por siyento—aba, napakagandang lugar nitong Pilipinas,” dagdag pa ni Enriquez.

Umani ng mga positibong komento ang mga naging pahayag ni Enriquez. Halimbawa na sa Twitter kung saan sinabi ni Gabriela DC ang: “And I’m lovin’ it! Journalist/Anchors should be like that so that the viewers will get educated.”

Nagpasalamat naman si Aida A at sinabing: “Thank you for your audacity in giving voice to the silent and the defenseless who have no pulpit to express themselves and be heard.”

“Isa ka sa mga tunay na journalist! Para sa bayan!” komento naman ni Zarey Z.