Mga todo makeup na artista sa mga Pinoy teleserye, pinuna ni Fanny Serrano

Mga imahe mula sa Facebook ni Felix Mariano Fausto Jr aka Tita Fanny Serrano

Hindi na napigilan pa ng veteran actor, makeup artist, at hairstylist na si Tita Fanny Serrano ang kaniyang pagkadismaya sa mga todo makeup na leading stars na kaniyang napapanood sa mga teleserye ng ABS-CBN at GMA.

Sa isa niyang Facebook post, nanawagan si Tita Fanny sa mga producers at directors ng dalawang leading television networks na pagtuunan ng pansin ang itsura ng mga make-up, hairstyle, at wardrobe ng mga artistang nagsisipag-ganap sa kani-kanilang teleserye.

“Sa totoo lang, malaki ang responsibilidad ninyo na silipin sa monitor kung ano ang tamang image ng character portrayed ng mga artista n’yo. Kailangan ba na naka-full makeup kahit nasa loob ng bahay at matutulog na o kaya magluluto o maglalaba?!! Ano ba?!” bahagi ng post ni Tita Fanny.

Mga imahe mula sa Facebook ng ABS-CBN Drama at GMA Drama

Ang todo makeup na karakter, lalo na kung isang mahirap na Pilipino ang ginagampanang papel, ay malayo rin umano sa katotohanan.

“Dapat bang naka-todong contour ang blush-on, lipstick, at naka-false eyelashes ang isang mahirap na character nyo? Hellooooo!!! Wala ba kayong ginawang research para pag-aralan kung ano ang tamang look ng mga artista nyo or nagtipid na naman kayo sa budget?” dagdag pa ng veteran makeup and hairstylist.

Nilinaw naman ni Tita Fanny na hindi naman niya nilalahat ang mga artistang todo makeup kahit hindi naman naaayon sa eksena. Hindi rin daw siya nagmamarunong sa kaniyang post.

Aniya, kung may aayusan man siyang artista na gaganap sa isang teleserye ay pinag-aaralan niyang mabuti ang karakter nito bago ayusan. Hindi lamang ganda ang dapat makita sa monitor ng TV, bagkus kung ano ang karakter na ginagampanan ng isang artista.

Screenshot mula sa Facebook post ni Felix Mariano Fausto Jr aka Fanny Serrano

Nag-post din si Tita Fanny ng mga halimbawa ng maayos na pagkaka-makeup sa mga artistang gumaganap sa isang teleserye. Pinuri niya ang ilang Koreanobela stars.

Kabilang ang teleserye sa mga may pinakamatataas na rating na programa sa telebisyon. Ibig sabihin, marami ang mga tagasubaybay nito na dahilan para dumami rin ang mga advertisers na handang magbayad nang malaki sa mga estasyon ng telebisyon.

Habang isinusulat ang balitang ito, nag-update sa kaniyang Facebook si Tita Fanny na nagreply sa kaniya ang isang producer ng GMA 7. Nagpasalamat ang producer sa feedback ni Tita Fanny ukol sa makeup at styling. Binanggit daw niya ito sa kaniyang boss na agad nagpatawag ng meeting sa lahat ng kaniyang makeup artists at stylists.

Source :

Facebook, Pep, Kami