Mga guro umalma; hindi dapat gawing paligsahan ang Brigada Eskwela




Mga larawan mula sa Google Image Public Domain

Umalma ang grupo ng mga guro na “The Teachers’ Dignity Coalition o TDC” sa Department of Education o DepEd na huwag gawing paligsahan ang “Brigada Eskwela,” upang hindi mawala ang diwa ng bolunterismo nito.

Ayon sa pahayag ng TDC, kung tunay na bolunterismo ang layunin ng Brigada Eskwela, hindi na kailangang gawing paligsahan ito.  Nabalitaan kasi ng grupo na may mga pampublikong paaralan na ginagawang “requirement” sa enrollment ang paglahok sa Brigada ng mga mag–aaral at magulang.

Anila: “Marahil, isa sa mga dahilan nito ay sapagkat ginagawang paligsahan ang implementasyon ng Brigada Eskwela sa mga paaralan at binibigyan pa ito ng parangal mula sa antas dibisyon hanggang pambansang antas.”

Nagbibigay ang DepEd ng gantimpalang “Brigada Eskwela Best Implementing Schools” para sa mga pampublikong paaaralang may pinakamatatagumpay na Brigada Eskwela sa elementarya hanggang sekundarya, batay sa 2019 Brigada Eskwela Implementing Guidelines na nasa DepEd Memo No. 36 s. of 2019,

Bukod sa “best implementing schools”, kinikilala rin ng DepEd ang mga paaralan na regular at walang mintis na nagsasagawa ng Brigada Eskwela. Tinatawag itong “Brigada Eskwela Plus: Most Sustained Schools”.

Mga larawan mula sa Google Image Public Domain

Samantala, isang propesor at manunulat naman na nagngangalang “Genaro Gojo Cruz” ang nagpahayag din ng kanyang saloobin hinggil sa paligsahan ng mga pampublikong paaralan kaugnay sa Brigada Eskwela.

Auon sa kanyang Facebook post: “Tapatan na ito, di po volunteerism ang isinusulong ng Brigada Eskwela. Pasensiya na po. Naglolokohan na tayo! Bakit ginagawang contest ito ng DepEd? May listahan pa ng mga school supply na hinihingi ang ilang titser.

Dagdag pa niya: “Busy ang marami sa mga magulang, paano sila makatutungo sa paaralan upang maglinis, magpintura etc. At ang pressure, may contest pa nga! Kailangang manalo ang school. Paki–ayos naman po ang tunay na Brigada Eskuwela”.

Umani rin ito ng reaksyon mula sa mga netizens.

“Totoo po sir, kanya–kanyang gimik daw po, noong una po dahil bagong teacher lang po ako, akala ko para po mahikayat lang ang mga magulang at estudyante. Tsaka ko po nalaman na contest po pala.”

“Bakit ba lahat ginagawang contest na ngayon? Wala na yata ang values tulad ng “kusa” (initiative)?”

“Hindi po dapat gawing contest ang Brigada. At dapat hindi pwersahing maglinis ang mga bata at mga magulang.”

Larawan mula sa Google Image Public Domain

Ang Brigada Eskwela ay isinasagawa isang linggo bago ang muling pagbubukas ng mga paaralan para sa pasukan. Ngayong 2019, ang tema nito ay “Matatag na Bayan Para sa Maunlad na Paaralan”.