‘Mcdo Kid’ na nag-viral noon, muling naghatid ng inspirasyon ukol sa edukasyon




Screenshot mula sa YouTube/McDo Ad

Muling nagviral si Daniel “Biboy” Cabrera matapos itong bigyan ng graduation party ng Ronald McDonald House of Charities (RMHC) Philippines noong Mayo 16, 2019. Ginanap ang party sa McDonald’s North Reclamation branch sa Mandaue City kung saan nakunan siya ng larawan na nagviral noong 2015.

Si Biboy, na ngayon ay 13 taong gulang na, ay nakapagtapos na ng elementarya sa Subangdaku Elementary School noong Marso. Wala man siyang natanggap na parangal o medalya, maligaya niyang sinabi na nais niyang maging pulis.

Tumutulong sa pag-aaral ni Biboy ang RMHC sa pamamagitan ng scholarship grant.

Screenshot mula sa YouTube/McDo Ad

Ayon sa report ng Sunstar, mahalaga sa nanay ni Biboy ang nakapagtapos ito ng elementarya na inaasahang makatutuntong ng Grade 7 sa pasukan sa Hunyo. Si Biboy kasi ang unang makatutuntong sa high school sa pitong magkakapatid.

Si Biboy ang batang nag-viral noon ang larawan kung saan makikita siyang matiyagang nag-aaral sa labas ng nabanggit na fast food chain.

Sa mga panahong iyon, nakikitulog lamang ang pamilya ni Binoy sa isang food stall malapit sa North Reclamation Area dahil nasunog ang kanilang bahay sa Barangay Tipolo. Walang kuryente sa stall kaya nagtitiyaga si Biboy na makiilaw sa labas ng McDonald’s.

Siyam na taon lamang noon si Biboy ngunit nakitaan na siya ng ibayong pagsisikap sa kaniyang pag-aaral. Hindi naging hadlang ang sitwasyon ng kaniyang pamilya upang hindi matupad ang kaniyang mga pangarap.

Screenshot mula sa YouTube/McDo Ad

Mula nang magviral ang kaniyang larawan na kinunan ni Joyce Torrefranca, isang medical technology student noon sa Cebu Doctor’s University, ay marami ang nagbigay ng tulong kay Biboy. Marami ang tumulong sa kaniyang pag-aaral.

Naitampok din ang kuwento ni Biboy sa isang commercial video ng McDonald’s noong Disyembre 2016. Pinamagatan itong “The Boy Who Loves to Study.”

Hindi na rin problema ng pamilya ang pag-aaral hanggang sa kolehiyo ni Biboy sapagkat mayroon na rin siyang college scholarship grant.

Sa taglay na pagsisikap at hindi paglimot sa kaniyang pinagmulan, maging isang mabuting pulis at lingkod-bayan sana si Binoy sa hinaharap.