Matatamis na alaala: Mga litratista sa Luneta, naroon pa ba?

Mga larawan mula sa Facebook page na Nostalgia Philippines/Google Image Public Domain

Bawat matatamis na alaala ay kay sayang balikan sa pamamagitan ng pagtingin sa mga larawan.

Bago pa man mauso ang “selfie” at “groupie” na dulot ng mga smartphones, tablets, IPads, at iba pang gadgets na may camera, nauna munang bumida ang mga camerang may film.

Noon, hindi lahat ay nagkakaroon ng camera. May kamahalan kasi ito, at ang mga may “afford” lamang ang nakabibili. Kaya naman, sumulpot ang mga taong ginawa itong hanapbuhay—ang mga litratista. At kapag sinabing litratista, isa sa mga maiisip na lugar kung saan sila makikita ay ang mga parke, lalo na sa Luneta o Rizal Park.

Feeling nostalgic ang mga Facebook users sa ibinahaging mga larawan ng netizen na si Baron Junn sa Facebook page na “Nostalgia Philippines” na nagpapakita ng mga litratista sa Luneta o tinatawag na “park photographers”.

Ayon sa post ng netizen, madali na lamang ngayon ang pagkuha ng mga litrato dahil sa mga mobile phones kaya unti–unting nawalan ng kita ang mga litratista.

Mga larawan mula sa Facebook page na Nostalgia Philippines

“Napakadali na lang para sa atin ngayon magpicture, libre at unli pa dahil sa mobile phone nating dala–dala… dati ang saya nila kapag Valentines at Pasko dahil ang lakas talaga ng kita nila, iyon ang mga okasyong talagang inaabangan nila. Sa totoo lang, noon hindi na sila ang lumalapit sa tao, sila na noon ang dinudumog at nilalapitan.

Dagdag pa niya: “Ngayon, nakikita ko mismo yung eksena ng pagtanggi ng inaalok nila habang nagpipicture gamit ang sariling cp, ang sad kung pagmamasdan mo.”

Nagbigay naman ng reaksyon dito ang mga netizen.

“Ang positibo at negatibong hatid ng modernisasyon.”

“Kawawa nga naman talaga sila. Pero saludo ako sa kanila dahil nagtitiyaga pa rin sila sa hanapbuhay nila na marangal.”

“Malungkot mang isipin pero ganoon po talaga, kailangang tanggapin na lahat ng bagay nagbabago sa paglipas ng panahon.”

Mga larawan mula sa Facebook page na Nostalgia Philippines

Hinikayat niya ang iba pang netizens na ipakita sa social media ang mga litrato na kuha ng mga litratista sa Luneta o iba pang parke.