Main cast ng Descendants of the Sun Philippines, inilabas na ng GMA Network




Larawan mula sa Instagram account ni Dingdong Dantes at Pexels

Matapos ianunsiyo ni GMA Network primetime king Dingdong Dantes sa kanyang renewal of contract signing bilang Kapuso na siya ang gaganap na “Big Boss” sa Philippine adaptation ng hit Korean series na Descendants of the Sun, ipinakilala na rin ang tatlo pang artistang gaganap sa main cast nito.

Usap-usapan kung sino ang gaganap na “Beauty,” ang kapareha ng tauhang gagampanan ni Dantes, at lumabas ang iba’t ibang pangalan tulad ng misis niyang si Marian Rivera, Rhian Ramos, at Heart Evangelista.

Larawan mula sa Facebook page ng GMA Asianovelas

Ngunit sa inilabas na anunsiyo ng Facebook page GMA Asianovelas: The Heart of Asia, ang tinaguriang ‘The Ultimate Star’ na si Jennylyn Mercado ang magbibigay buhay sa papel na ginampanan ni Song Hye Kyo.

Walang nag-akalang si Mercado ang mapipili ng GMA dahil may bago siyang teleserye na “Love You Two” kasama si Gabby Concepcion.

Gayunman, mukhang hindi agad-agad mapapanood sa GMA Telebabad ang Pinoy adaptation dahil kailangan munang tapusin ni Mercado ang seryeng kinabibilangan niya ngayon.

Gagampanan naman ng ‘StarStruck’ alumnus na si Rocco Nacino ang papel na Sergeant Major o Wolf na pinasikat ng Korean heartthrob na si Jin Goo.

Ito ang dahilan kaya hindi na mapapanood si Nacino bilang isa sa lead stars ng afternoon drama series na ‘Dahil sa Pag-ibig’ katambal sana si Sanya Lopez na unang nakasama niya sa telefentasyang ‘Encantadia.’

Pagkatapos ng pinuring performance niya sa ‘Sahaya,’ nakuha naman ni Jasmine Curtis ang papel bilang Moira sa Philippine adaptation.

Tila nabigyan ng katuparan ang hiling ng ate niyang si Anne Curtis matapos ipahayag nito na umaasa siyang mabibigyan pa siya ng magagandang role pagkatapos sandaling gumanap na Manisan sa ‘Sahaya.’

Larawan mula sa Instagram account ni Jennylyn Mercado

Inakala ng ilang fans na si Reina Hispanoamericana 2017 Winwyn Marquez ang gaganap sa papel na Moira dahil interesado raw siya sa role, ngunit ipinakilala na si Marquez na isa sa mga tauhan ng ‘Dahil sa Pag-ibig.’

Bali-balitang ang direktor na si Dominic Zapata ang mangunguna sa Descendants of the Sun remake na isa sa pinakamalaking offering ng GMA ngayong taon.

Source :

Facebook, Cosmo