Lolo, may espesyal na regalo kay Coco Martin




Imahe mula sa Facebook (Charlotte Franz Lagrimas Arevalo) at Instagram (@cocomartin_ph)

Patok talaga sa masa ang Kapamilya actor na si Coco Martin. Marami itong tagahanga kahit saan man magpunta. Mapa-babae o lalaki, bata o matanda ay iniidolo ang aktor.

Kaya hindi kataka-taka na dinumog ng mga tao ang aktor nang pumunta ito sa Nabua, Camarines Sur. Isa sa masugid na nag-abang sa kaniya si Lolo Froctuso Nadong.

Nag-viral ang post ni Analiza Regalado noong April 27, 2019 matapos niyang ibahagi ang mga larawan ng 80 years old na lolo na tagahanga ng aktor.

Imahe mula sa Facebook (Analiza Regalado)

Ayon kay Regalado, matiyagang naghintay ang lolo na makita at maibigay sa aktor ang regalo nitong portrait.

“Nakita ko ‘to si lolo sa gilid ng stage trying na maiabot ‘to kay Coco Martin. Pero nabigo siya kasi ang dami nang tao at ang sabi ko, ‘Lo hayaan mo po at least nakita mo na po ‘yung idol mo.’ Sabay ngumiti siya at ang sabi, ‘Gusto ko lang sana ‘tong ipakita sa kaniya at ibigay,'” kuwento ni Regalado.

Sa hiwalay na post ng isa pang netizen na si Charlotte Franz Lagrimas Arevalo, sinabi niya na hindi na naibigay ni lolo ang kaniyang regalo sa aktor dahil sa sobrang dami ng tao at siksikan na ang mga fans.

Imahe mula sa Facebook (Charlotte Franz Lagrimas Arevalo)

Buti na lamang, tinulungan ng isang security guard ang lolo na makatok ang sasakyan ng aktor bago ito makaalis. Matagumpay na naibigay ni lolo kay Martin ang portrait nito at nagkausap din sila saglit. Ngunit dahil sa dami ng tao ay kinailangang umalis agad ng aktor.

Noong April 29, 2019, ipinost naman ni Martin sa kaniyang Facebook at Instagram accounts ang taos-pusong pasasalamat sa natanggap na regalo mula sa lolo.

“Maraming salamat, ‘Lo. Itong regalong ito ay magsisilbing inspirasyon para sa akin. Kayo po ang tunay kong idolo! Mahal ko po kayo at sana sa susunod ay magkita tayo nang mas matagal,” mensahe ng aktor.

Sana ay magkita ulit ang lolo at ang aktor sa susunod.

Source :

Facebook, Push