Mango Overload: Kilo-kilong mangga, ipinamimigay na sa Ilocos Sur dahil sa sobrang supply




Larawan mula kay Emmylou Arruejo Jomero at sa Philippine Information Agency

Tuwing mainit ang panahon, siguradong isa sa mga sikat na prutas ay ang mangga na hindi lamang paborito bilang kutkuting prutas, ngunit madalas din gawing iba’t ibang flavor ng mga inumin at minatamis tulad ng shake at ice cream.

Hitik sa bunga ang mangga tuwing sasapit ang tag-init sa Pilipinas kaya naman akma sa ‘cravings’ ng maraming Pilipino sa isang masarap at malamig na pagkain at inumin.

At kung isa ka rin sa mga certified mango lovers, siguradong ikatutuwa mo ang ginagawang pamamahagi ng isang taniman ng mangga sa Salcedo, Ilocos Sur dahil sa labis-labis na supply ng nasabing prutas.

Larawan mula kay Emmylou Arruejo Jomero

Ayon sa ulat ng DWRS Commando Radio Global noong Mayo 29, ibinahagi ng isang Emmylou Arruejo Jomero na sobra na raw ang napipitas nilang mangga mula sa kanilang mga taniman kaya bagsak-presyo na raw ito sa mga pamilihan.

Dagdag pa ng DWRS sa kanilang Facebook post, dahil daw sa dami ng manggang nakukuha nina Jomero, imbes na ibenta, napagdesisyunan nilang isabit sa kanilang bakuran at libreng ipamigay ang kilo-kilong mangga sa kung sino man ang may gusto nito.

Makikita sa larawan ni Jomero ang mga nakasabit na plastic bag na mayroong lamang mangga at nakasaad na libre ito para sa kanilang mga kapitbahay o kung sino pa man ang may gusto ng libreng mangga.

Naipagbibili na raw ng sampung piso kada kilo ang mangga sa mga palengke sa Ilocos Sur.

Ikinatuwa naman ng mga netizen ang free mangoes mula sa Ilocos Sur at sinabing mayroon pa palang libre sa mundo at daraan daw sila sa bakuran nina Jomero kahit mula pa sila sa malalayong lugar para sa libreng mangga.

Larawan mula kay Emmylou Arruejo Jomero

Umani rin ng papuri ang naging desisyon na ito nina Jomero na ipamahagi nang libre ang mga mangga at sinabing sa mga susunod na panahon ay mas marami pa silang aanihin dahil sa kabutihang loob na ipinamalas.

Dagdag pa ng DWRS post, hindi raw natatapos ang pamimigay nina Jomero ng libreng mangga dahil sa susunod na linggo, mamimitas daw sila at tiyak na magbabahagi na naman sila ng libreng mangga sa kung sinuman ang may gusto.