Lani nasasaktan sa mga paratang kay Bong Revilla, humiling na bigyan ng second chance ang senador

Screenshot mula sa Instagram ni Lani Revilla

Sa total votes na 14,624,445 ay muling nakabalik sa senado si Ramon “Bong” Revilla, Jr. na pang-11 sa pinal at opisyal na resulta ng senate election. Gayunman, lalo lamang umigting ang mga negatibong komento hinggil sa kaniyang pagkapanalo.

“Ang pagbabalik ni Kardong Kupit,” “Acquitted but asked to return millions,” at “Excited na ulit mag-budots” ay ilan lamang sa mga komento ukol sa pagkakapanalo ni Bong.

Sa lahat ng akusasyon kay Bong, ang pinakanasasaktan umano ay ang maybahay at ang Bacoor mayor na si Lani Revilla.

Mula nang makulong ang senador noong 2014, hindi nawawalan ng pag-asa si Lani na mapawawalang-sala ang kaniyang asawa.

Imahen mula sa Ramon Bong Revilla, Jr. Facebook page

Sa isang artikulo ng Pep, nagpahayag ng saloobin si Lani ukol sa mga masasakit na pananalita laban kay Bong; maging sa pagtawag na “b0bo” sa mga bumoto sa kaniyang mister.

Napapagod na umano sa isyu si Lani at pakiramdam niya ay nahahati ang bansa dahil sa mga akusasyon.

“Kasi nakakapagod na rin. Feeling mo na the country was so divided. Parang naaawa ako sa mga tao na bumoto kay Sen. Bong at sinasabing bobo sila,” pahayag ni Lani.

Hindi rin umano patas na minamaliit ang mga bumoto sa kaniyang mister.

“Parang, it’s so unfair, kasi may mga tao na maliit… ’yung mga magsasaka na bumoto kay Bong. Meron ding nakakaangat, especially ’yung members ng mga religious sector na sumuporta sa kanya,” dagdag pa ni Lani.

Screenshot mula sa Instagram ni Lani Revilla

Marami ring artista ang nagpahayag ng pagkadismaya sa naging resulta ng eleksiyon. Gayunman, sinabi ni Lani na maaaring ang mga artistang iyon ay hindi nagkaroon ng direktang ugnayan kay Bong o kung nakatrabaho man ay hindi umano niya alam kung may nagawang mali sa kanila ang actor-politician.

“Kasi ang alam ko, lahat na nakakasama ni Bong, wala namang masamang komento sa kanya, kung mayroon man, tao lang naman si Senator Bong, but not to the point na tawagin mong magnanakaw o masamang tao,” paliwanag ng maybahay.

Tiniyak naman ni Lani na hindi mapapahiya ang mga bumoto sa kaniyang asawa dahil susuklian ito ni Senador Revilla ng tapat na paninilbihan. Hiniling din ni Lani na bigyan sana ng second chance ang asawa.