Kauna–unahang sasakyang pandigma ng Philippine Navy, inilunsad sa South Korea

Image capture mula sa YouTube channel

Inilunsad na ang kauna–unahang sasakyang pandigma ng Philippine Navy o Hukbong Pandagat sa Hyundai Heavy Industries (HHI) shipbuilding facility sa Ulsan, South Korea noong Huwebes, Mayo 23, 2019.

Ayon sa Philippine News Agency (PNA), ang naturang missile-armed frigate ay tinawag na BRP Jose Rizal (FF-150), isang combat vessel para sa Philippine Navy, na ipinangalan sa ating pambansang bayani.

Larawan mula sa Twitter account ng Philippine Star

Ito ang magiging pinakamakabago at pinakamalakas na sasakyang pandigma sa tubig ng Pilipinas, kasama ang sister ship nitong BRP Antonio Luna (FF-151) na ipinangalan naman kay Heneral Luna, na sisimulan pa lamang ang konstruksyon.

“All of us are equally thrilled that we will soon be deploying a brand-new frigate, with anti-submarine, anti-surface, anti-air and electronic warfare capability to patrol and protect our vast territorial waters,” ayon sa panayam kay Navy spokesperson Captain Jonathan Zata sa PNA.

May sukat itong 351 talampakan sa haba at 46 talampakang lapad, may maximum speed na 25 knots at may kapasidad na maglakbay sa 4,500 nautical miles sa cruising speed na 15 knots.

Larawan mula sa Philippine Navy

Isinabay na rin nila sa paglulunsad noong Huwebes ang pagpapabatid sa konstruksyon ng BRP Antonio Luna na magiging ikalawang missile-capable frigate.

Nakatakdang dalhin sa Pilipinas ang BRP Jose Rizal sa Setyembre 2020 habang ang sister ship nitong BRP Antonio Luna ay inaasahang magawa at maipadala sa Pilipinas sa Marso 2021.

Idinisenyo ang dalawang sasakyan para sa anti-air, anti-surface, anti-submarine at electronic warfare operations. Bukod dito, ito rin ay may surface-to-air at surface-to-surface missiles. Gagamitin din ito bilang proteksyon para sa  economic zone roles at extended maritime patrol operations.

Noong Oktubre 2016, nagkasundo ang shipbuilders ng Pilipinas at South Korea sa pamamagitan ng isang kontrata upang masimulan ang pagbuo sa dalawang sasakyang pandigma, na umabot sa 16 bilyong piso, at karagdagang 2 bilyong piso para sa mga armas at munitions.

Inihayag na dati  ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ipapangalan sa mga bayaning sina Dr. Jose Rizal at Heneral Antonio Luna ang dalawang sasakyang nabanggit.