Kandidata ng CARAGA sa Bb. Pilipinas, nananawagan din upang maibalik ang Golden Tara

Imahe mula sa Bb. Pilipinas Official Facebook page / Wikipedia

Nang isapubliko ng Binibining Pilipinas ang mga larawan ng mga kandidatang suot ang kani-kanilang national costume, kabilang sa mga kinamanghaan ng mga Pilipino ay ang kasuotan ni Bb. Pilipinas candidate Dia Nicole Magno ng CARAGA Region.

Ang national costume ni Magno ay disenyo ni Jearson Demavivas na nagdisenyo rin ng national costume ni Catriona Gray noong Bb. Pilipinas 2018.

Ang gintong kasuotan ni Magno ay representasyon ng isa sa mga yaman ng kaniyang rehiyon—ang Golden Tara—at panawagan na rin upang maibalik ito sa Pilipinas dahil kasalukuyan itong nasa Chicago Field Museum sa US.

May kabigatan ang national costume ni Magno dahil gawa ito sa gold-plated brass. Gayunman, kinaya itong dalhin ng kandidata.

“It’s like carrying the people with me but I’m doing this not only for myself but for the Philippines,” pahayag ni Magno na mababasa rin sa report ng Manila Bulletin.

Imahe mula sa Facebook account ni Dia Nicole Mancao Magno

Ang Golden Tara ay siyam na pulgadang gintong estatwa na imahen ni Tara, diyosa sa relihiyong Budismo.

Natagpuan ito ng isang Manobo sa baybayin ng Ilog Wawa sa Agusan del Sur noong 1917. Napasakamay naman ito ni Bias Baklagon, na noon ay deputy governor ng Agusan, kaya tinawag din ang gintong estatwa bilang “Buwawan ni Baklagon” (Ginto ni Baklagon).

Gayunman, nang magkautang si Baklagon ng malaking halaga sa Agusan Coconut Company ay ginamit niyang pambayad ang Golden Tara.

Ang Golden Tara ay naging pag-aari ng mga Amerikano nang bilhin ito ni Faye Cooper-Cole na asawa ng Amerikanong gobernador heneral noon sa Pilipinas.

Pinaniniwalaang nabili ni Cole ang gintong estatwa sa halagang ₱4,000 noong 1920 o 1921. Dahil isa ring curator sa Chicago Field Museum, ipinadala niya ito roon na hanggang sa kasalukyan ay pagmamay-ari ng museum.

Sa mga nakalipas na taon, may mga panawagan sa gobyerno na gumawa ng mga hakbang upang maibalik sa Pilipinas ang Golden Tara.

“This is the Golden Tara, the representation of the Gold in the Veins of every Caraganon. I represent the rich culture and history where I was born and bred,” paliwanag ni Magno.

Imahe mula sa Facebook account ni Dia Nicole Mancao Magno

Bukod sa Golden Tara, bahagi rin ng national costume ni Magno ang isang tradisyonal na tela na representasyon ng limang tribu sa Caraga: ang mga Manobo, Mamanwa, Higaonon, Banwanon, at Mandaya.

Makikita rin ang simbolo ng kanilang balangay na kilala sa Butuan.

Samantala, ang National Costume fashion show ng mga Bb. Pilipinas candidates ay gaganapin sa New Frontier Theater, Quezon City sa Mayo 29. Ang Binibining Pilipinas Grand Coronation Night 2019 ay gaganapin naman sa Smart Araneta Coliseum sa Hunyo 9.