Kakaibang panlasa: Nakatikim ka na ba ng “adobong palaka”?




Mga larawan mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Isa sa mga paboritong pagkain o ulam ng mga Pilipino ang adobo. Mapa–adobong baboy, manok, isda, gulay, o maging baka, tiyak na hindi palalampasin sa hapag–kainan. Subalit may isa pang uri ng adobo na hindi madalas matikman ng karaniwan – ang adobong palaka.

Nabuksan ang kuryosidad ng mga netizens sa mga ibinahaging larawan ni Mich Casals sa “Memories of Old Manila” kung saan ipinakikita ang adobong palaka na kadalasang niluluto ng mga taga-lalawigan, lalo na sa mga naninirahan malapit sa kabukiran o palayan.

Ayon sa caption ng netizen, mas masarap daw ang adobong palaka kaysa sa adobong manok.

“Mas masarap pa siya sa adobong manok — adobong palaka.”

Mga larawan mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Nagbigay naman ng komento rito ang mga netizen.

“Oo naman.. masarap iyan lalo’t malapot–lapot ang sabaw…”

“Masarap pong talaga ang adobong palaka, lalo na at isasahog/isasama sa lugaw, malinamnam.”

“Nope, but I like to try, marami nagsasabi na mas masarap nga daw iyan kaysa sa chicken. Sarap manghuli kapag katatapos pa lang ng ulan, sa gabi nagsisilitawan sila.”

“Nasa bibliya na hindi dapat kainin ang palaka. That is unhealthy.”

Mga larawan mula sa Google Image Public Domain

Ang palaka, o frog sa Ingles, ay isang uri ng hayop na nabibilang sa mga amphibians; mga hayop na maaaring manirahan sa tubig o lupa.

Ang mga “palakang bukid”, o karaniwang nakikita sa bukid, ang ginagawang adobo upang ulamin, hindi ang mga karaniwang palakang tinatawag na “palakang bato”. Kinakailangang linisin muna itong maigi upang hindi magkaroon ng problema sa mga kakain.

Sa pagluluto ng adobong palaka, tiyaking kumpleto ang mga sangkap na pampalasa. Kinakailangan ng bawang, sibuyas, luya, tubig, suka, toyo, mantika, paminta, at dahon ng laurel.

Igisa sa mainit na mantika ang bawang, sibuyas, at luya. Kapag nagawa na ito, ilagay ang laman ng palaka at iprito sa loob ng dalawang minuto. Lagyan ito ng paminta at dahon ng laurel. Pagkatapos, ilagay ang suka at toyo. Lagyan ng kaunting tubig, hayaang kumulo, presto… may adobong palaka ka na!