Judy Ann Santos, masayang makatrabahong muli si Raymart Santiago sa “Starla”




Imahe mula sa Instagram (@officialjuday and @raymartsantiago)

Makakatambal ng “Queen of Philippine Soap Operas” Judy Ann Santos si Raymart Santiago sa kaniyang pinakabagong ABS-CBN teleserye na “Starla.”

Ayon kay Santos, masaya siya na makatrabahong muli ang aktor pagkatapos ng maraming taon. Una silang nagkasama sa 2004 film na “Aishite Imasu 1941.”

Ang bagong Kapamilya na si Santiago ang gaganap na kaniyang leading man sa teleserye. Ayon sa kaniya, kahanga-hanga ang galing nito sa trabaho.

Ito ang unang teleserye ng aktor sa ABS-CBN matapos ang halos dalawang dekada sa Kapuso network. Ayon kay Santiago, isa sa mga dahilan ng kaniyang paglipat ang natatanging pagkakataon na makatrabaho si Santos.

Imahe mula sa Instagram (@raymartsantiago)

“Siyempre, sino ba naman ang tatanggi ‘pag kinuha ni Judy Ann Santos, ‘di ba? Inoffer sa akin ‘yung show. Nagpaalam naman ako [sa GMA],” sabi niya.

Ayon pa sa kaniya, isa ang “Starla” sa pinakamalaking TV production ng Kapamilya network ngayong 2019.

“I’m sure magugustuhan ng mga manonood ito.”

Naging maingat siya sa pagbabahagi tungkol sa teleserye ngunit kinumpirma niya na magkakaroon ito ng fantasy elements.

Taong 2018 nang unang inanunsiyo ng Dreamscape Entertainment Television production ang pinakabagong teleseryeng pagbibidahan ni Santos.

Ang “Starla” ang unang teleserye ng aktres sa ABS-CBN pagkatapos ng limang taon. Huli siyang napanood sa “Huwag Ka Lang Mawawala” noong 2013.

Imahe mula sa Instagram (@officialjuday)

Hindi natuloy ang kaniyang teleserye na “Someone to Watch Over Me” noong 2015 kasama si Richard Yap dahil sa kaniyang pagbubuntis.

Wala pa mang announcement kung kailan ipalalabas ang “Starla,” siniguro naman ng aktres na mapapanood ito ngayong 2019.

Makakasama rin niya ang dating former ABS-CBN President na si Charo Santos-Concio. Una silang nagkatrabaho sa drama series na “Esperanza” na ipinalabas noong 1997 hanggang 1999.

Kasama rin niya sa teleserye sina Joem Bascon, Kathleen Hermosa, Anna Luna, Meryll Soriano, Gabe Mercado, Simon Ibarra, Bodjie Pascual, Joel Saracho, Janus del Prado, at Joel Torre.

Imahe mula sa Instagram (@officialjuday)

Kasalukuyan na silang nagte-taping para sa “Starla.”

Ayon sa aktres, “Ako, happy lang ako na nakakapag-ipon kami ng episodes, nagagawa nang maayos ‘yung editing, ‘yung graphics, lahat.”

“Kumbaga napupulido, so sana ma-maintain namin ‘yung ganong klaseng presentation ng teleserye, hanggang maipalabas, hanggang matapos.”

Nagkuwento rin ang aktres tungkol sa kanilang set life sa “Starla.”

“Masaya, masaya. Nakikita mo naman kung gaano tayo kakomportable sa set. It’s always nice to work with people that you’ve worked with before, and new people na ngayon mo lang din nakasama.”

Source :

ABS-CBN, PEP