Ina, itinataguyod ang mga anak bilang barker

Screenshot mula sa YouTube (GMA News and Public Affairs)

Noong 2011 ay nabiyuda si Marissa Casonete. Naiwan sa kaniya ang responsibilidad na buhayin at pag-aralin ang pitong anak.

Nagtapos siya ng kursong midwifery ngunit underboard siya kaya hindi niya ito naipagpatuloy.

Kaya upang maitaguyod ang pamilya, nagtrabaho siya bilang isang barker.

“Siyempre mahirap. Nung nawala ‘yung tatay nila, para akong naputulan ng pakpak. Paano ko kaya palalakihin ‘yung mga bata? Kasi pito sila. Tapos nangungupahan pa kami ng bahay,” sabi ni Casonete.

Screenshot mula sa YouTube (GMA News and Public Affairs)

“Nakita ko ‘yung paghihirap niya nung time na ‘yun, lalo na nung nawala si Papa. Akala ko nga bibigay siya. Akala ko talaga parang mawawala siya sa sarili kasi bigla na lang siyang naiyak,” kuwento na kaniyang panganay na anak na si Melissa.

Ngayon, sa edad na 50 years old, patuloy pa rin siya sa pagiging barker sa Pasay-Rotonda terminal. Labing-isang taon na niya itong ginagawa para sa pamilya.

Maliit lamang ang kita niya sa pagba-barker ngunit sa kaniyang pagtitiyaga ay naibibigay niya kahit papaano ang pangangailangan ng mga anak.

Aminado siya na kulang ang oras niya para sa kanila.

“Halos hindi ko na nga sila nakikita eh. Nag-iiwan na lang ako ng pagkain nila. Nag-iiwan ako ng pamasahe, pambaon, para sa pagkain nila araw-araw.”

Screenshot mula sa YouTube (GMA News and Public Affairs)

Ilang beses na rin siyang naaksidente habang nagtatrabaho. Ngunit lahat ng paghihirap ay kakayanin ni Casonete.

“Naaksidente ako. Naipit ako ng dalawang jeep sa gitna. Hindi nila napansin. Ang dami ko nang naranasan diyang aksidente. Nahulog ako sa jeep noong umuulan.”

Umaraw, umulan, nandidiyan siya at hindi umano siya tumitigil.

Nakaririnig din daw siya ng mga panlalait dahil sa klase ng kaniyang trabaho.

“Barker ka lang. Hindi ka makakapagpatapos ng anak.”

Imahe mula sa Facebook (Melissa Casonete)

Sa kabila ng lahat ng ito, patuloy rin ang mga tagumpay na nakukuha ni Casonete mula sa kaniyang mga anak.

Ang kaniyang panganay ay napagtapos niya ng kursong office administration noong 2018. Ngayong Abril 2019 ay nagtapos naman ng senior high school, junior high school, at elementarya ang tatlo pa niyang anak. Ang isa sa kanila ay nakatanggap pa ng parangal.

Lahat ay gagawin niya upang makapagtapos ang mga ito.

“Ang pangarap ko talaga sa buhay ay makapagpatapos ng anak. ‘Yun ang pangarap ko sa buhay. Kahit na mawala ako, gusto ko makatapos sila ng pag-aaral nila.”

“Hangga’t buhay ako, hangga’t nakatayo ako sa sarili kong paa, mag-aral kayo,” aniya.

Source :

YouTube, GMA